Inatasan ng Malacañang ang Philippine National Police (PNP) at National Bureau of Investigation (NBI) na magsagawa ng imbestigasyon sa pagkawala ng 34 na umano'y sangkot sa online sabong sa loob lamang ng 30 araw.
Bukod dito, pinaiimbestigahan din ng Malacañang ang mga may hawak na lisensya sa e-sabong dahil sa posibleng paglabag ng mga ito.
Inilabas ng Malacañang ang hakbang matapos maglabas ng resolusyon ang Senado na humihikayat kay Pangulong Rodrigo Duterte na suspendihin muna ang lisensya o permit ng mga e-sabong operators nitong Marso 1.
Sa rekord ng pulisya, aabot sa 34 na sabungero ang naiulat na nawawala ilang buwan na ang nakararaan.
Gayunman, nakapaloob sa memorandum ni Executive Secretary Salvador Medialdea nitong Marso 8 na hindi nito iniutos na suspendihin ang operasyon ng online sabong o gambling activity na nauso simula nang magkaroon ng pandemya.
Sa loob ng 30 araw, inatasan din ng Malacañang sa PNP at NBI na isumite ang kanilang findings sa Office of the President at sa Department of Justice (DOJ).
Inatasan din ng Malacañang ang Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) na magsagawa ng imbestigasyon sa posibleng paglabag ng mga e-sabong operators.
Pinatitiyak din nito sa Pagcor na sumusunod ang mga online operators sa security and surveillance requirements alinsunod na rin sa kanilang Regulatory Framework for E-Sabong Off-Cockpit Betting Station, partikular na sa pagkakabit ng security cameras sa mga gaming sites.
Sa kabila nito, tuluy-tuloy pa rin ang operasyon ng e-sabong habang isinasagawa ang imbestigasyon.
Argyll Geducos