Nakatutuwang isipin na 95 anyos na pala ang tatay ni Kapamilya actress-TV host na si Angel Locsin, na si Mr. Angel Colmenares, na mahaba-habang panahon na ring hindi nakakakita. Dahil dito, siya ang ibinida ni Angel sa kaniyang latest vlog na umere noong Marso 5, ngunit ang taping ay isinagawa noong Pebrero 17, 2022.

Naging 'Q and A' at hot seat ang naging tema ng vlog, at isa sa mga naurirat ni Gel sa ama, ay kung sino sa mga ex-jowa niya ang pinakaayaw nito.

Neil Arce, Angel Colmenares, at Angel Locsin (Screengrab mula sa YT)

Eleksyon

Kabataan Party-list, itutulak pagpapatalsik kay VP Sara

"Sino sa mga naging ex ko ang pinakaayaw mo?" diretsahang tanong ni Angel. Itinuro pa niya ang isang cue card.

"Nandito, ha! Nakalagay. Ayokong tanungin ito, ha! Huwag kang magalit," na tila sinasabi niya sa kung sinoman sa mga dating nakarelasyon ang mababanggit na Mang Angel.

Apat lang naman ang mapamimilian: ito ay ang yumaong si Miko Sotto, ang pinsan nitong si Oyo Boy Sotto na happily married na kay Kristine Hermosa, Azkal player Phil Younghusband na kasal na rin kay Margaret Hall, at Luis Manzano, na mister na ni Jessy Mendiola.

"Nakalimutan ko na ang pangalan," sey naman nito.

Naurirat din ni Angel ang ama kung ano ang naging reaksyon nito noong hingin na ng jowang si Neil Arce ang kaniyang mga kamay kay Mang Angel.

“First of all, I want you to be in good hands and nasa age ka na," aniya.

"Anong lesson tungkol sa pag-ibig ang puwede mong ibigay sa akin?" follow up na tanong ni Angel sa ama.

"Kailangan talaga to be happy in a married life, take good care of each other every day and put Christ in the center of your life," sabi naman nito.

Pebrero 2018 nang isiwalat nina Angel at Neil ang kanilang relasyon at noong Hunyo 29, 2019 naman ay pinag-usapan ang kanilang engagement. Ikinasal naman sila sa pamamagitan ng civil wedding noong Hulyo 26, 2021.

Samantala, inamin naman ni Angel noon sa isang panayam ng 'Magandang Buhay' noong 2019 na delikado na rin kung sasailalim pa si Mang Angel sa mga pagsusuri o mga pamamaraan para maibalik ang kanyang paningin.

Noong Setyembre 2021 naman ay inamin ni Angel na nagpositibo sa Covid-19 ang tatay niya ngunit naka-recover naman ito.