Pinaigting pa ng Antipolo City Government at ng pamunuan ng Light Rail Transit Authority (LRTA) ang kanilang vaccination drive sa Antipolo station ng Light Rail Transit Line 2 (LRT-2).

Ito’y matapos silang magkasundo na gawin nang anim na araw o mula Lunes hanggang Sabado, ang pagbabakuna sa vaccination site sa Antipolo Station, sa halip na dalawang araw lamang o Miyerkules at Biyernes, na una nilang napagkasunduan.

Sa isang pahayag na inilabas nitong Linggo, inianunsiyo ng LRTA na sisimulan na nila bukas, Marso 7, Lunes, ang pagbabakuna sa Antipolo Station ng mula Lunes hanggang Sabado.

Samantala, simula bukas din, Lunes, Marso 7, ay bubuksan na ng LRTA ang vaccination site sa Cubao Station sa Quezon City.

National

Sen. Go, ibinahagi pakikipagkita nila ni Ex-Pres. Duterte kay INC leader Manalo

Ang naturang vaccination site na magkakaloob ng first dose, second dose at booster shots, ay bukas tuwing araw ng Lunes mula 8:00AM hanggang 4:00PM.

Anang LRTA, bukas pa rin naman at patuloy na nagtuturok ng bakuna ang Recto Station vaccination site sa Maynila tuwing Martes at Huwebes, mula 8:00AM hanggang 5:00PM.

“We are expecting more vaccinees as we step up our vaccination efforts in order to ensure the safety and protection of our commuting public,” ayon kay LRTA Administrator Jeremy Regino.

Ang vaccination drive ng LRTA ay bilang suporta sa pagsusumikap ng Department of Transportation (DOTr), katuwang ang mga local government units, sa pagsusulong ng ligtas na public transport system at tulong rin sa COVID-19 vaccination campaign ng pamahalaan.

Upang makahikayat ng mas maraming vaccinees, nagkakaloob ang LRTA ng libreng one day unlimited pass sa mga indibidwal na magpapabakuna sa vaccination sites na ipinuwesto nila sa mga naturang piling istasyon ng LRT-2.