Pangunahing layunin umano ni senatorial aspirant at Atty. Luke Espiritu na kalusin ang mga manpower agencies kung sakaling palarin na mahalal siya bilang senador sa darating na halalan 2022.
"Ang priority legislation ko ay buwagin ang lahat ng mga manpower agencies… dahil walang silbi ang mga manpower agencies, sila ay mga linta, parasite, extra layer lamang na walang silbi sa produksyon," sagot ni Atty. Espiritu sa tanong na 'What will be your priority legislations during your term as Senator?' sa naganap na SMNI Senatorial Debate nitong Marso 2, 2022 sa Okada Manila.
"Sila ang dahilan kung bakit ang ating mga manggagawa ngayon ay nasasadlak sa kahirapan."
"70% ng ating mga manggagawa ay kontraktwal sa ilalim ng manpower agencies. Ang effect ng pagiging kontraktwal ay kahit gaano ka katagal sa iyong trabaho, umabot ka man ng 10 years, 15 years, 20 years… wala ka talagang kapag-a-pag-asa sa buhay."
"Sasabihin ng kompanya kung saan ka nagtatrabaho, sasabihin niya, 'Hindi ka manggagawa ng kompanyang iyon, ikaw ay manggagawa ng manpower agency. Anong effect niyon? Matatali ka sa minimum wage, na hindi naman nakabubuhay."
Ayon kay Atty. Espiritu, masyado umanong mababa ang minimum wage sa bansa kumpara daw sa cost of living ng mga manggagawa na ₱1,650 kada araw.
"At ah… hindi sila nakakapag-unyon, kaya hindi nila naitataas ang kanilang suweldo. Tapos wala silang karapatan sa security of tenure, anytime puwede silang tanggalin kapag sila ay nagreklamo, kapag sila ay nag-organisa."
Kaya pagbabanta pa ni Atty. Espiritu, "Kapag ako ay nanalong senador, huli na ang araw ng mga manpower agencies."

Si Atty. Espiritu ay Pangulo ng Bukluran ng Manggagawang Pilipino, at tumatakbong senador sa ilalim ng Partido Lakas ng Masa ni presidential aspirant Ka Leody De Guzman.
Naging trending si Atty. Espiritu matapos niyang 'basagin' ang mga kapwa tumatakbong senador na sina dating Presidential Spokesperson Atty. Harry Roque at Atty. Larry Gadon, na kabilang sa senatorial slate ng UniTeam.