Inaasahang pagsapit ng Mayo 2022 ay makukumpleto na ang konstruksiyon ng bagong Ospital ng Maynila (OsMa) at makapag-o-operate na ito.

Napag-alaman mula kay Aksyon Demokratiko presidential bet at Manila Mayor Isko Moreno, nitong Huwebes, na ang konstruksiyon ng naturang modernong pagamutan ay nasa 80% nang tapos sa ngayon.

Tiniyak rin naman ng alkalde na kumpleto na ang pinakamahahalagang bahagi ng istraktura at tanging mga minor works na lamang ang tinatapos nila sa ngayon, gaya ng mga inner areas at mga silid.

Ayon kay Moreno, malaking bahagi ng OsMa ay dating tambakan lamang ng basura nang magpasya silang patayuan ito ng pagamutan.

National

Sigaw ni Castro: 'Bring Home Roque!'

Tinukoy rin niya ang suporta ni Vice Mayor Honey Lacuna, na siyang Presiding Officer ng Manila City Council, bilang highly instrumental sa tagumpay ng proyektong ito, gayundin ng iba pang matagumpay na programa ng lungsod.

Anang alkalde, sa sandaling mabigyan siya ng pagkakataon na maging susunod na pangulo ng bansa ay plano niyang magkaroon ng kani-kaniyang sariling OsMa ang 17 rehiyon at 80 lalawigan ng Pilipinas.

“Dating tambakan lang ito. Now if i can build something like this in just two years, pandemic pa, give me more budget and I will build a similar hospital in each of the provinces and regions,” pagtiyak pa ng alkalde.

Aniya, ang ginawa niya sa Maynila ay magsisilbi niyang template sa pagkakaloob ng kahalintulad na world-class hospital sa iba pang panig ng Pilipinas.

Ang OsMa, na isa sa anim na ospital na pinangangasiwaan ng city government, ay nag-aalok ng libre at de kalidad na serbisyong medikal sa mga residente ng lungsod.

Ang bagong pagamutan nito na state-of-the-art ay mayroong 384-bed capacity, 12 intensive care units at 20 private rooms.

Mayroon din itong iba pang amenities gaya ng three-storey parking building, helipad, at iba pa.

Ang emergency room nito ay mayroong 30 beds sa kabuuan at ang buong ospital ay magiging fully-airconditioned sa sandaling magsimula na ng operasyon sa Mayo.

“This is doable in the entire country kasi na-build nga namin ‘yung Ospital ng Maynila in less than two years. So, what happened in Manila, building as much as possible, modesty aside, an upscale type of public hospital that can be duplicated easily and initially to 17 regions simultaneously,” optimistiko pang pahayag ni Moreno.