Boluntaryong sumuko sa Cainta Municipal Police Station ang isang police official na isinasangkot sa kasong pagpatay sa aide ni dating Biliran Rep. Glenn Chong at babaeng kasama nito sa Cainta noong taong 2018.
Batay sa ulat ng Cainta MPS sa Rizal Police Provincial Office (RPPO), nabatid na dakong alas-8:30 ng umaga ng Pebrero 28, 2022 nang kusang loob na sumuko sa tanggapan ng Warrant and Subpoena Section,si PCAPT Sandro Ortega, na dating deputy chief of police ng Cainta MPS.
Si Ortega ay mayroong nakabinbing warrant of arrest na inisyu ni Acting Presiding Judge Miguel S. Asuncion ng Antipolo City Regional Trial Court (RTC), Branch 99 noon pang Enero 31, 2020 dahil sa kasong two counts of murder.
Matatandaang si Ortega ay kabilang sa 20 pulis na sinampahan ng kasong murder ng National Bureau of Investigation (NBI) sa Department of Justice (DOJ) dahil sa umano’y pagpatay sa biktimang si Richard Santillan, driver bodyguard ni Chong, at kasama nitong babae na si Gessamyn Casing noong Disyembre 2018 sa Brgy. San Andres sa Cainta.
Wala namang inirekomendang piyansa ang hukuman para sa pansamantalang paglaya ni Ortega.