Sumama si Megastar Sharon Cuneta sa campaign trail ng kanyang asawa na si vice presidential aspirant at Senador Francis "Kiko" Pangilinan nitong Martes, Pebrero 22, sa Tarlac.

(Photo: Team Kiko Pangilinan)

Masayang nag-entertain at kumaway sa mga tao si Sharon sa mga taong nag-welcome sa kanilang mag-asawa sa Gerona Public Market.

“Leni-Kiko po tayong lahat. Napakalinaw na po ng plano para po maibsan at masosolusyonan ang problema ng gutom sa bansa. At si Ma’am Leni at Kiko, wala pong bahid ng kahit anong pangit na isyu sa gobyerno. Simula 2001 pa po siya senador,” ani Sharon.

“Twenty-five years na po kaming kasal. Kahit anong tsismis, pero kung may tsismis man, hindi totoo iyon kasi dapat iniwan ko na iyan,"

“Maraming salamat po sa inyo. Sana po sa May ay Leni-Kiko po tayo. Bigyan niyo po ng pagkakataon na magsilbi sa bayan ang dalawang walang kasing tapatang puso para magsilbi sa inyo, walang kasing totoong magmahal,” ayon pa sa Megastar.

Ito ang unang pagkakataon na nagpakita ang megastar sa publiko sa mga kaganapan ni Kiko mula noong nag-umpisa ang campaign period noong nakaraang buwan.

Si Sharon Cuneta ay mapapanuod sa long-time running show na "FPJ's: Ang Probinsyano."