Nasa kabuuang 858 na residente ng Quezon City ang nakatanggap ng livelihood financial assistance nitong Sabado, Pebrero 19, mula sa "Pangkabuhayang QC" program ng lokal na pamahalaan.
Ang programa, na inilunsad ng Small Business and Cooperatives Development and Promotions Office (SBCDPO) ng lungsod noong Setyembre 2021, ay naglalayong tulungan ang mga indibidwal na nawalan ng trabaho dahil sa pandemya, na gustong magsimula ng maliit na negosyo.
Sinabi ng lokal na pamahalaan na ang mga benepisyaryo na mula sa ikaanim na distrito ay ika-11 at ika-12 batch ng mga residenteng nakatanggap ng P10,000 hanggang P20,000 na cash aid.
Dagdag pa nito, uunahin ng lungsod ang mga displaced workers, microentrepreneurs, Overseas Filipino Workers (OFWs), nawalan ng trabaho, unemployed solo parents, at persons with disabilities.
Sa huling datos nitong Pebrero 19, nasa 16,341 na beneficiaries ang nakatanggap ng livelihood assistance, habang nasa 9,307 ang kasalukuyang sumasailalim sa screening at approval process para sa batch 13-18 ng programa.
Maaaring tingnan ng mga residente ang detalye ng Pangkabuhayang QC program sa Facebook page ng SBCDPO.
Aaron Dioquino