Pumanaw na sa edad na 78 ang isa sa mga tinaguriang 'national treasure' at isa sa tatlong tradisyunal na manghahabi mula sa Mindanao na si Apuh Ambalang Ausalin nitong Pebrero 18.

Sinabi ni Lamitan City Mayor Rose Furigay na namatay si Ausalin bandang alas-4 ng umaga sa kanyang tirahan sa Barangay Parangbasak.

“Apuh Ambalang’s work was ‘epic’ for its sheer beauty ang uniqueness, truly a work of art that only a master weaver in the highest order can possibly create,” pahayag ni Furigay.

Dagdag pa niya, “Apuh Ambalang’s legacy shall live on in the next generation of Yakan weavers who were fortunate enough to have been mentored by her."

Human-Interest

Guro, nakatanggap ng manok, mga rekadong pantinola mula sa pupil

Si Ausalin, isinilang noong Marso 4, 1943, ay iginagalang sa kanyang pangako sa pangangalaga at pagtataguyod ng paghabi ng mga tradisyonal na Yakan textiles, lalo na ang makulay na "tennun" o tapestry weave.

Kilala si Ausalin sa kanyang kahusayan sa mga likhang sining ng sinaluan at sputangan, dalawa sa pinakamahirap gawin na disenyong mga tela sa komunidad ng katutubong Yakan.

Mula sa isang pamilya ng mga manghahabi, si Apuh Ambalang, tulad ng tawag sa kanya ng iba pang mga manghahabi, ay natuto na sa murang edad at nakagawa ng 'complex' na disenyo.

Natuto siyang maghabi sa pamamagitan ng kanyang ina, na dating kinikilalang pinakamagaling na manghahabi sa Basilan, at unang nagsanay sa paggawa sa pamamagitan ng paggamit ng niyog.

Si Ausalin ay binigyan ng National Living Treasure Award ng Pilipinas sa pamamagitan ng National Commission for Culture and the Arts noong 2016.

Kabilang siya sa tatlong tradisyunal na manghahabi mula sa Mindanao na idineklara bilang “national living treasures” at pinagkalooban ng Gawad Manlilikha ng Bayan (GAMABA) para sa 2016 sa pamamagitan ng Proclamation No. 126 na inilabas noong Enero 6, 2017 ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Ang dalawa pang awardees ay sina B'laan mat weaver Estelita Tumandan Bantilan ng Malapatan, Sarangani province, at Fu Yabing Masalon Dulo ng Polomolok, South Cotabato.