Mahigit 200 Filipino retirees mula sa United Nations (UN) system ang nag-endorso sa presidential bid ni Vice President Leni Robredo sa paniniwalang dadalhin niya ang mga Pilipino sa “right path of transformative change.”

Isang grupo na may 207 miyembro na bahagi ng higit sa 30 iba't ibang ahensya at UN entity ang lumagda at naglabas ng kanilang deklarasyon ng pagsuporta para kay Robredo.

Sila ay mga dating opisyal, kawani, at mga teknikal na tagapayo na nagtrabaho sa mga ahensya ng UN tulad ng UNICEF, World Bank, International Labor Office (ILO), UNFPA, World Health Organization (WHO), at UN Development Program (UNDP).

Naniniwala ang UN retirees na ang katapangan ni Robredo na manindigan para sa katotohanan, walang dungis na accountability record, humility, at tunay na pagmamalasakit sa kapakanan at empowerment ng mga tao ang magiging gabay niyp para sa kanyang pamamahala sa bansa bilang Pangulo.

“We believe in her Program of Government that will take us Filipinos to the right path of transformative change,” sabi ng grupo sa isang pahayag na nilabas nitong Huwebes, Pebrero 19.

Sinabi nila na ang programa ni Robredo ay sumasaklaw sa mga prayoridad na isyu at usapin katulad ng pangangalaga sa kalusugan, seguridad sa pagkain, edukasyon, bukod sa iba pa.

Sumang-ayon din ang mga dating kawani ng UN sa paninindigan ni Robredo sa West Philippine Sea, sa kanyang matalinong paggamit sa limitadong badyet ng Office of the Vice President (OVP) para tulungan ang kapwa Pilipino, at ang pagtugon ng kanyang opisina sa pandemya ng COVID-19.

Binanggit din ng signatories ang mga paniniwalang moral ng Bise Presidente bilang isa pang dahilan ng kanilang suporta.

“Her courage to stand up for the truth, for what is right for the country and our people inspires all of us. Her unblemished record of accountability and simple lifestyle speaks of her trustworthiness and humility. Her genuine concern for people’s well-being and empowerment will be the beacon for her governance as President,” saad ng grupo.

Samantala, ikinagalak ng kampo ni Robredo ang deklarasyon ng suporta at sinabing "ito ay isang malaking bagay" sa pagpapatuloy ng kampo sa pangangampanya.

“It tells the vast majority of our people that competent people, people with experience, think that the VP is competent and that she has what it takes to be president and that’s no small thing,” ani VP Spokesperson Barry Gutierrez sa isang panayam sa ANC nitong Biyernes, Pebrero 18.

“And that supports the message that we have been sending out since the start: that her track record, that her approach to governance, that her completely clean record, are all things that should be very heavily considered in supporting her and choosing her as our next president,” dagdag ni Gutierrez.

Noong nakaraang linggo, mahigit 130 Filipino economists din ang naglabas ng pahayag ng pagsuporta sa presidential bid ni Robredo.

Betheena Unite