Nadagdagan na naman ng 107 ang namatay sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa Pilipinas at aabot na lamang sa 2,196 ang naiulat na nahawaan ng sakit nitong Huwebes.
Sa datos ng Department of Health (DOH), mahigit 66,000 na lamang ang aktibong kaso ng COVID-19 sa bansa. Naitala ang nasabing bilang ng kaso ng nahawaan at binawian ng buhay nitong Pebrero 17
Ito ang ikatlong sunod na araw ay nakapagtala ang DOH ng new COVID-19 cases na mahigit 2,000 lamang.
Bahagya naman itong mababa kumpara sa sa 2,671 na naitalang bagong kaso ng COVID-19 noong Miyerkules, Pebrero 16.
Sa case bulletin #705, aabot na ngayon sa 3,646,793 ang kaso ng sakit sa bansa.
Sa naturang bilang, 1.8% na lamang o 66,588 ang aktibong kaso, o nagpapagaling pa sa karamdaman.
Karamihan naman sa mga aktibong kaso ay nakararanas lamang ng mild symptoms, na nasa 60,848 habang 1,090 naman ang asymptomatic o walang anumang sintomas ng sakit.
Naitala rin ng ahensya ang 2,913 na moderate cases, 1,428 ang severe cases at 309 ang kritikal.
Sinabi pa ang DOH na nakapagtala pa sila ng 4,409 pang pasyenteng gumaling sa sakit kaya umabot na sa3,524,875 ang total COVID-19 recoveries sa bansa o 96.7% ng total cases.
Sa kabuuan, 55,330 na ang COVID-19 deaths o 1.52% ng kabuuang kaso.
Mary Ann Santiago