Nagpahayag ng pagsuporta ang action star na si Ronnie Ricketts at ang misis na si Mariz Ricketts sa kandidatura ni Doc Willie Ong bilang pangalawang pangulo, at kay Robin Padilla naman bilang senador.
Sa kaniyang Facebook post, ibinahagi ni Ronnie ang litrato nila ni Mariz na nakasuot ng campaign t-shirt ng doktor na may nakalagay na 'Doc Willie is my VP!'
"Para sa iyo Doc Willie Ong, alam namin na ikaw ay tunay na nagmamalasakit at walang ibang hinahangad kung hindi ang makatulong… nandito kami, nakaalalay at susuporta hanggang sa huli… walang imposible sa taong bukal ang puso. Doc Willie, ikaw ang aming Bise Presidente!" ayon sa caption.
Matatandaang si Ronnie ang naging direktor ng 'Doc Willie Ong: The Movie' noong 2020 hinggil sa talambuhay ng kandidato sa pagkapangalawang pangulo.
"Sa maraming taon na ikaw ang NAGBIBIGAY, hayaan mong kami naman ang MAGBIGAY… our gift to you is a solemn prayer that the Lord will give you the strength to fulfill all your dreams for our beloved country. We shout for your joy and victory. Mahal na mahal ka namin. Nandito kami laging sumusuporta sa iyo," caption ni Ronnie sa kaniyang FB post noong Oktubre 24, 2021, nang maihayag na sa lahat na kakandidato siyang VP bilang running mate ni Manila City Mayor Francisco 'Isko Moreno' Domagoso.
Sa isa pang hiwalay na Facebook post, sinabi ni Ronnie na buo ang tiwala at suporta niya sa kapwa action star na si Robin Padilla na tumatakbo naman bilang senador.
"Isang pagpugay at pagsuporta sa aking kaibigan, Idol, brother at ngayon ay tumatakbo bilang senador natin. Naniniwala kami sa iyong kakayahan, katapatan at tunay na pagmamahal sa ating mga kababayan. Tuloy-tuloy lang ang suporta namin sa iyo! Mabuhay ka, Robin Padilla ??❤️???" caption ni Ronnie habang suot ang campaign t-shirt ni Robin.
Samantala, hindi naman nila sinabi kung sino ang manok nila para sa pagkapangulo.