Tumataginting na₱29 milyon ang naiuwi ng isang taga-Marikina City matapos na mapagwagian ang jackpot prize ng Super Lotto 6/49 na binola ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) nitong Linggo ng gabi.
Batay sa paabiso ng PCSO, nahulaan ng jackpot winner ang six-digit winning combination ng Super Lotto 6/42 na 36-29-35-16-03-17 kaya’t naiuwi nito ang katumbas nitong jackpot prize na₱29,073,809.20.
Nabatid na nabili ng masuwerteng mananaya ang kanyang lucky ticket sa Brgy. Malanday sa Marikina.
Ayon kay PCSO Vice Chairperson at General Manager Royina Garma, upang makubra ng lucky winner ang kanyang premyo ay kinakailangan nitong magtungo sa punong tanggapan ng PCSO.
Kailangan rin aniya nitong iprisinta ang kanyang winning ticket at dalawang balidong IDs.
Muli rin naman hinikayat ni Garma ang publiko na tangkilikin ang kanilang mga palaro upang magkaroon na ng tiyansang maging milyonaryo, ay makatulong pa sa kawang-gawa.
Ang Super Lotto 6/49 ay binubola ng PCSO tuwing Martes, Huwebes at Linggo.
Mary Ann Santiago