Nagdaos ng motorcade nitong Sabado sa lalawigan ng Rizal si Senatorial aspirant ret. PNP Gen. Guillermo Eleazar kung saan mainit siyang sinalubong ng kanyang mga tagasuporta.

Sa panayam sa mga mamamahayag, sinabi ni Eleazar na maaari siyang humalili kay Senador Panfilo Lacson bilang anti-corruption czar ng Senado partikular sa pagbabantay sa 'pork barrel.'

Ayon kay Eleazar, malaki na ang naiambag ni Lacson sa laban sa korapsyon dahil sa pagbabantay sa 'pork barrel' o PDAF (Priority Development Assistance Fund) ng mga mambabatas ngunit nakatakdang umalis na siya sa senado sa pagtakbo ngayon sa Mayo 9 presidential elections.

Pinuri rin naman ng dating heneral ang isa pang dating hepe ng PNP na si Sen. Bato Dela Rosa na siya namang nagsusulong sa 'peace and order' ng bansa ngunit iginiit niya na kailangang may humalili kay Sen. Lacson.

National

4.8-magnitude na lindol, yumanig sa Surigao del Sur

"Si Sen. Ping Lacson andiyan ang kaniyang kontribusyon. Nakita natin kung papaano niya bantayan ang kaban ng bayan, si Gen. Dela Rosa andiyan din para sa peace and order natin," ayon kay Eleazar.

"Eh paalis na si Sen. Ping Lacson, dapat merong papalit doon na makakasama ni Gen. Bato Dela Rosa para maisulong ang sektor na magtataguyod para sa ating kapayapaan dahil lahat ng ating ginagawa para sa economic development, lahat iyan ang pundasyon ay peace and order," dagdag niya.

Itutuloy rin niya ang pagbabantay sa PDAF na naumpisahan ni Sen. Lacson na isa sa responsibilidad ng Senado sa ilalim ng "oversight function."

"Alam n'yo sinasabi naman ng lahat napakarami nating pera, eh ang problema eh nagagamit ba sa tama iyon? Kaya andun ang pagbabantay, naandon ang Senado para magbantay nito at iyon ang ating isinusulong," paliwanag pa niya.

Isa rin sa batas na kaniyang isusulong ang "digitalization" sa lahat ng ahensya ng transaksyon ng pamahalaan par maalis ang "human intervention" at magkaroon ng "transparency, accountability" at mawala, mabawasan o mapigilan ang korapsyon.

Mary Ann Santiago