Inirekomenda na ni Senate Committee on Energy chairperson Senator Sherwin Gatchalian sa Office of the Ombudsman na ipagharap na ng kasong graft si Department of Energy (DOE) Secretary Alfonso Cusi at 10 na iba kaugnay ng umano'y kuwestiyunableng transaksyon sa pagitan ng Chevron Philippines at UC Malampaya noong Marso 2021.

Ang apela ay nakapaloob sa 93-pahinang report na isinumite ng komite ni Gatchalian sa anti-graft agency kaugnay ng usapin.

Inirekomenda rin ni Gatchalian na masampahan ng kasong paglabag sa Republic Act 3019 (Anti-Graft and Corrupt Practices Act) sina DOE Undersecretary Donato Marcos, Undersecretary Robert Uy, Assistant Secretary Leonido Pulido III, Assistant Secretary Gerardo Erguiza Jr., Director Cesar Dela Fuente III, Director Arthur Tenazas, Director Arceli Santos-Soluta, Chief R.J. Delos Santos, Chief Thelma Cerdena, at Demujin Antiporda.

Pinakakasuhan din nito ng administratibo sina Cusi, Uy, Pulido, Erquiza dahil sa umano'y gross neglect of duty at grave misconduct alinsunod na rin sa Executive Order 292 Series of 1987, at conduct prejudicial to the best interest of the service.

National

Guanzon, tinanong sino si Ben Tulfo: 'What has he done for the country?'

Naghain din ito ng rekomendasyon sa Civil Service Commission (CSC) upang maimbestigahan at ipagharap ng administratibo sina Dela Fuente, Tenazas, Soluta, Delos Santos, Cerdena, and Antiporda kung ito ay nararapat.

Binanggit ng senador sa kanyang report na dapat ay, "legally, technically, at financially qualified" ang operasyon ng Malampaya dahil na rin sa lawak ng saklaw nito.

Aniya, inaprubahan pa rin nina Cusi at iba pang opisyal ng DOE ang transaksyon sa pagitan ng Chevron Philippines at UC Malampaya sa kabila ng pagsasagawa ng financial evaluation ng ahensya sa maling kumpanya (UC Malampaya) na negatibo ang working capital, nabigong magsumite ng kinakailangang dokumento at ang paggamit ng unaudited financial statements.

Nilinaw ng senador, naglabas ang DOE ng circular noong 2017 na nag-uutos ng pagsusumite ng documentary requirements upang madetermina kung may "legal, technical, at financial qualifications" ang transferee na UC Malampaya.

“Yet, DOE in its financial evaluation, evaluated the wrong entity, UC38, instead of UC Malampaya. It failed to evaluate UC Malampaya which was, based on the DOE’s own admission, not financially qualified as it has a negative working capital of USD137.156 million, which is clearly insufficient to meet its proportionate share in the Work Program and Budget for 2020 amounting to USD 64.455 million,” ayon sa report na isinumite ni Gatchalian sa Ombudsman.

Pinatatakbo ang Malampaya Deepwater Gas-to-Power Project sa ilalim ng Service Contract No. 38. Isiniwalat din sa report ng Senado na sinusuplayan din ng natural gas ng Malampaya ang limang power plants at anim sa kada 10 na pamilyang nasa franchise area ng Manila Electric Company (Meralco).

Czarina Nicole Ong Ki