Nagbigay ng kanyang suporta si Senador Emmanuel “Manny” Pacquiao nitong Miyerkules para sa partial report ng Senate Blue Ribbon Committee sa imbestigasyon nito sa umano’y maanomalyang pagbili ng gobyerno ng COVID-19 pandemic supplies.
Personal na lumahok si Pacquiao sa online press briefing ni Sen. Richard Gordon para ipahayag ang kanyang kasiyahan sa partial committee report ng Senate panel at sinabing pipirmahan niya ito "without any reservations.”
Umapela si Pacquiao sa iba pang senador na igalang ang ulat at rekomendasyon ng Senate panel.
“I fully support the Blue Ribbon Committee Report. Totoo ang lahat ng sinasabi doon ni Sen. Gordon,’ ani Pacquiao sa naganap na online briefing kasama ang midya.
“Lahat naman nang iyan ay dumaan sa imbestigasyon, hindi naman isang beses lang ang hearing. Tiwala ako kay Sen. Gordon,” sabi ni Pacquiao na tumatakbo sa pagka-Pangulo sa May 2022 elections.
“Dapat respetuhin at igalang ng lahat,” dagdag niya.
Binigyang-diin ni Gordon ang apela ni Pacquiao na umaasa siyang ang resulta ng imbestigasyon ng Senate panel ay hindi magiging sanhi ng pagkakahati sa Senado.
Ayon kay Gordon, malaki rin ang bilang ng mga senador ang nagpahayag ng kanilang suporta sa committee report, na sinasabing mahirap kalabanin ang Pangulo.
“I hope hindi mahati ang Senado on partisan politics.. sana its between truth and lies,” pagpupunto ni Gordon.
Ayon kay Gordon, iuulat niya ang mga natuklasan at rekomendasyon ng komite sa Senate floor ngayong hapon, sa sesyon ng plenaryo.
Hannah Torregoza