Sa pagpasok ng modernong panahon, hindi na lamang nakakahon sa mga aklat at nakalimbag na akademiko at suplementaryong materyal ang maaaring pagmulan ng mga impormasyon na maaaring magamit ng mga mag-aaral sa kanilang pag-aaral at pagkatuto. Kung tutuusin ay mas napadali pa ang paggalugad at pananaliksik ng mga impormasyon dahil sa internet.

Sa pagpasok ng 'Bagong Normal', mas lalo itong naging behikulo lalo't naging online at modular ang naging modality o paraan ng pagtuturo at pagkatuto. Mas napaigting pa ang 'distance learning'.

Ngunit isa sa mga naging suliranin ng mga guro sa pagtukoy kung talaga bang natututo ang mga mag-aaral ay ang katiyakan na ang mga output na ipinapasa, sinasagutan, o ginagawa nila ay sila mismo ang gumawa o pinagawa sa iba; bagama't nananawagan ang mga guro sa mga magulang at guardians na gabayan ang mga mag-aaral sa pagsagot sa kanilang mga learning modules at online activities.

Iyan ang ikinababahala ng isang guro at administrador ng isang pampribadong paaralan sa Quezon City na si 'T. Dione' matapos dumulog sa kaniya ang isang gurong nasa ilalim ng kaniyang pangangasiwa, dahil natuklasan nito ang 'academic commission services' na talamak na nangyayari sa kasalukuyan, sa pamamagitan ng social media.

Human-Interest

Magna cum laude graduate na pinagsuot ng toga ang ama, kinaantigan

Ayon sa eksklusibong panayam ng Balita Online, nakarating sa kaalaman ng gurong tagapayo ang tungkol dito nang magsumbong ang isang mag-aaral.

"May batang nag-report sa adviser niya na may nakita siyang tweet about academic commission services at yung mga outputs na pinapagawa ay kaparehas ng mga requirements nila. Nireport sa akin ng class adviser kaya nag-imbestiga ako. Laking-gulat ko na hindi lang pala mga outputs o requirements ang pinapagawa nila, pati pagsagot sa quiz at contest entries pwede na rin," paglalahad ni T. Dione.

Paano raw nangyayari ang transaksyon batay sa kanilang inisyal na imbestigasyon?

"Gumagamit ang mga bata ng codenames para hindi sila makilala. Kadalasan may groups sila sa Facebook or dummy account sa Twitter. Ipo-post ng client kung anong kailangan niya kasama ang instruction ng teacher at deadline. May mga iba na naglalagay ng budget nila para sa commissioned work."

"Yung mga academic commissioner ay magko-comment sa post at kadalasan ay magse-send ng sample works nila sa private message. Bahala na ngayon ang kliyenteng mamili kung aling proposal ang pinakagusto n'ya at pasok sa budget," paliwanag ng gurong administrador.

Image
Screengrab mula sa Twitter

Para kay T. Dione, nakaaalarma ang ganitong gawain dahil nababalewala ang kagandahang-asal na dapat maituro sa mga mag-aaral, kagaya ng katapatan at integridad na kaya nakapasa o nakakuha ng mataas na marka sa isang gawaing pampaaralan o asignatura, ay dahil sa kaniyang sariling talino, kakayahan, at pagsisikap. Ito raw ay maaaring isang anyo ng katiwalian.

"Nakakaalarma na may ganitong ginagawa ang mga estudyante kasi sa edad nilang ito ay may form of corruption nang nagaganap. Ang pagpapasa ng isang output na hindi naman ang estudyante ang gumawa ay pandaraya sa mga kapwa estudyante na nagsusumikap na magampanan ang mga iniatas na trabaho sa kanila."

Sa kabilang banda naman, nalulungkot din si T. Dione dahil ito ang naiisip na paraan ng mga academic commissioners upang kumita ng pera; at sa mga kliyenteng mag-aaral naman, maaaring ito na lamang ang magagawa nila upang hindi na pahirapan pa ang mga sarili nila.

Nagmungkahi rin si T. Dione na kung maaari ay suriin din ang workload o tambak ng mga gawaing pampaaralan na ibinibigay ng mga guro sa kanilang mga mag-aaral.

"Nakakalungkot din na may mga estudyante na ito ang ginagawang hanapbuhay o sideline. Sa kabilang banda, marahil ay dapat pang pa- aralan ng mga guro at school admins kung tama pa ba ang workload na ibinibigay sa mga bata at kailangan nilang humantong sa ganito."

"Dapat rin sigurong rebyuhin ang guidelines ng mga paaralan hinggil sa academic integrity. Isa rin itong eye opener para sa mga guro at administrador na mas maging mapagmatyag at maghanap ng mas mabisang paraan kung paano ma-iinstill sa mga kabataan ang pagkakaron ng integridad."

Image
Screengrab mula sa Twitter

Ano nga ba ang kaakibat na sanction o parusang matatanggap ng isang mag-aaral kung sakaling mapatunayang tumatangkilik sa academic commission services?

"Parents will be informed of what happened and the result of the investigation. In our school where honesty is one of the core values, students who will be proven to have committed cheating will get zero in the activity and he/she will be given 'Needs Help' remark in the conduct grade."

"The student will also be asked to serve community service. However, it is not enough that sanction will be given. More than this, the student needs guidance so he/she will be referred to the Guidance Office to help him/her process what happened and help her reflect on his/her actions. This will also help the student decide better should he/she face the same challenge in the future," paliwanag ni T. Dione.

Bilang guro at administrador ng paaralan, may naiisip o maibibigay ba siyang solusyon para maiwasan ito lalo na sa panahon ngayon na online ang modality ng pagtuturo?

"Schools should strengthen their campaign about academic integrity and they should make sure that the activities of the students are manageable. Dapat ding i-require ang mga bata na mag-turn on lagi ng camera habang nagkaklase lalo na pag may test para makasigurong sila talaga ang sumasagot."

"Dapat rin sigurong gumamit ng applications kung saan di makakapagbukas ng ibang websites ang mga bata habang nag-eexam."

"Maganda rin siguro kung mabibigyan ng opportunity na makapagtrabaho yung mga ginagawang negosyo ang academic commissions para magamit sa mas magandang bagay ang kanilang skills and talents."

Nagbigay naman siya ng mensahe para sa mga guro at mag-aaral tungkol dito.

"For the teachers, let us make the requirements manageable and fun. It is also a must for us to discuss to the students the importance or the essence of the activities that we give to them. Kung alam kasi nila kung anong skills ang dine-develop sa isang gawain o kung alam nila ang katuturan ng mga pinapagawa sa kainla, mapagtutuunan nila 'yun ng pansin," aniya.

"It is also the time for us to show our creativity in giving activities."

Para naman sa mga mag-aaral, "For the students, please remember that these activities are not given just for the sake of giving them to you to generate grades. Instead these are given to help you gain skills and for the teachers to gauge in what aspects you excel and need help."

"Paying others to do the work for you will not help you in the long run. Please also remember that when you join the workforce, you will be given more tasks than what you have right now. If you got used to others doing things for you, you will be lacking some skills in the future. Most importantly, integrity is one of the values that should be practiced at all times."

Samantala, nakapanayam naman din ng Balita Online si 'Ezekiel', isang mag-aaral sa Senior High School, na aminadong tumatangkilik sa academic commission services. Aniya, ginagawa niya umano ito kapag nahihirapan na talaga siyang gawin ang isang school requirements, dahil madalas daw ay sabay-sabay ang mga ipinagagawa ng mga guro, bagama't hindi naman siya nagrereklamo dahil nauunawaan naman daw niya na kailangan ito sa asignatura upang makapasa.

"Minsan po, no choice na lang ako. Pero kailangan po mamili rin ng mga academic commissioners kasi minsan, mali-mali rin ang ginagawa, ang ending, parang nakakahinayang yung bayad, tapos uulitin mo na naman. Mas mainam pa na ikaw na lang gumawa," aniya.

Para naman kay 'Andy' na isang academic commissioner, malaking tulong sa kaniya ang 'trabahong' ito lalo na sa panahon ng pandemya.

"Iba-iba po ang rate eh, depende sa dami at hirap ng ipapagawa. Halimbawa po sa Math, ranging from ₱75 to ₱150 kapag 5 to 10 straightforward solving items ang ipapasagot, tapos ₱150 to ₱300 naman kapag word problem. ₱300 to ₱750 naman kapag magpapasagot ng modules, from elementary to SHS na po 'yun," aniya.

"These are subject to changes this po, and may go higher, depending on the number of items, plus difficulty of the subject/lesson. Iba pa po ang rate kapag rush commissions, yung tipong deadline na dapat. 50% downpayment sa bayad must be provided muna via GCash, Paymaya, o Paypal, before I start. Tapos saka ko ibibigay ang complete requirements kapag full payment na," dagdag pa niya.

Umaabot umano sa ₱5,000 hanggang ₱7,000 ang kinikita niya buwan-buwan, depende sa dagsa ng mga pagawa.

Samantala, hangad ni T. Dione na masolusyunan at pagtuunan ng pansin ng Department of Education (DepEd) ang mga ganitong isyung akademiko sa kasalukuyan, lalo't may mga mag-aaral na nakakapasa o nakahahakbang sa susunod na baitang o antas ng kanilang pag-aaral, na hindi naman ganap na natutuhan ang mga kaalaman at kasanayang dapat nilang matamo. Nawa rin ay maipaunawa sa mga mag-aaral ang kahalagahan ng katapatan at academic integrity.

Kung ngayon pa lamang ay nawawala na ito, baka madala umano nila ito sa kanilang paglaki, lalo't silang kabataan 'ang pag-asa ng bayan', sabi nga ni Dr. Jose Rizal.