Nagpasalamat si Presidential aspirant at Senador Panfilo "Ping" Lacson kay Senador Ronald "Bato" Dela Rosa nitong Martes, Enero 25 sa suporta nito sa tandem nila ni Vice Presidential candidate at Senate President Vicente "Tito" Sotto III.

Sa isang Facebook post, bumati si Lacson para sa kaarawan ni Dela Rosa at sinabi niyang sana magkatotoo ang birthday wish nito.

"Sana nga magkatotoo ang wish mo, Senator Ronald "Bato" Dela Rosa," aniya.

Ang wish umano ni Dela Rosa para sa kanyang 60th birthday ay manalo sina Lacson at Sotto sa darating na halalan sa Mayo 9, 2022.

National

#WalangPasok: Class suspensions ngayong Biyernes, Sept. 20

Nagpasalamat si Lacson sa pagsuporta ni Dela Rosa sa tandem nila ni Sotto, na kanyang running mate.

"Salamat sa suporta sa amin ni Senate President Vicente C. Sotto III Happy birthday!" dagdag pa niya.

Si Dela Rosa ay kilala bilang kaalyado ni Pangulong Rodrigo Duterte at parte rin siya ng PDP-Laban nito. 

Kinilala ng PDP-Laban, na pinangungunahan ni Alfonso Cusi, si Davao City Mayor Sara Duterte bilang kanilang vice presidential candidate ngunit wala pa silang inaanunsyo kung sino ang kanilang presidential bet.

Matatandaang naghain ng certificate of candidacy si Dela Rosa noong Oktubre ngunit kalauna'y nag-withdraw ito.