Sinabi ni League of Municipalities of the Philippines (LMP) president at Narvacan Mayor Luis “Chavit’’ Singson nitong Lunes, Enero 24, na bukas sila sa anumang suporta sa mga alkalde ng Camarines Sur para sa presidential bid ni Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr.
Kilala ang Camarines Sur bilang baluarte ni Vice President Leni Robredo na tumatakbo rin bilang presidente sa 2022 national elections.
Sa isang private meeting sa Camarines Sur noong Enero 17, sinabi ng kampo ni Marcos na hindi bababa sa 11 na alkalde ang nagpahayag ng suporta sa presidential bid ni Marcos.
Sinabi ni Singson, na naroroon din sa meeting, na alam ng mga alkalde na nasa meeting si BBM at hindi sila pinilit na dumalo.
Ngunit itinanggi ng ilang alkalde ng Camarines Sur ang pagsuporta sa kandidatura ni Marcos.
"Ganyan ang politics, and it is okay if some mayors denied their support for BBM since there are others in favoring Marcos’s presidential bid," ani Singson sa isang panayam sa ABS-CBN.
Gayunman, ipinaliwanag niya na masaya siya kung nanatiling suportado ang siyam na alkalde sa kandidatura ni Marcos dahil noong una ay walang grupo na nangunguna sa kampanya ni Marcos sa lalawigan.