Ibinahagi ni King of Talk Boy Abunda ang kuwento sa likod ng 2022 presidential interviews na isasagawa niya sa limang presidential candidates na sina Senador Ping Lacson, dating Senador Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos o BBM, Vice President Leni Robredo, Manila City Mayor Isko ‘Moreno’ Domagoso, at Senador Manny Pacquaio.

Ayon kay Tito Boy sa kaniyang YouTube channel na 'The Boy Abunda Talk Channel' na inupload nitong Enero 23, 2022, Setyembre 2021 pa lamang daw ay may ideya na siya tungkol sa presidential interviews, subalit hindi raw niya alam kung paano gagawin.

Ngunit paano nga raw ba siya napunta sa sitwasyong ito?

"During that time, I got fascinated with the presidential debate in the United States of America. I was very interested… at marami pang iba…"

Hindi raw niya binitiwan ang mga panayam ni Barbara Walters, sikat na American broadcast journalist, author, at television personality. Alam daw niya sa puso niya na nais din niyang magsagawa ng presidential interviews, subalit hindi niya alam kung paano ito sisimulan.

Hanggang sa pagdiriwang daw ng kaniyang kaarawan noong Oktubre 29 ay hindi mawala-wala sa isipan at puso ng King of Talk ang lumiligid-ligid na konsepto sa kaniya, na nais niyang magsagawa nga ng panayam sa mga kandidato ng pagkapangulo. May nagtanong daw sa kaniya kung interesado siyang maging moderator ng isang debate.

"That would be interesting," sagot daw ni Boy, subalit hindi pa niya ito binabalangkas nang husto dahil sa palagay niya, napakahirap nito.

"It's very challenging… It's very daunting… I leave it to the journalists. Wala naman akong ilusyon na ako ay journalist. I am an interviewer. I don't know if people would understand that, but… I am an inquisitor. I interview people, I ask questions," paliwanag niya.

Ngunit sa puso niya, hindi man debate ang mangyari, nais niyang gawin ang 2022 presidential one on one interviews.

Tinalakay niya ito sa kaniyang executive producer at bumubuo ng kaniyang team at sinabi niya ang kaniyang ideya. Hanggang sa media noche raw ng New Year's Eve, patuloy niya itong bukambibig. Alam niya na kailangan niya ng logistical team. Hanggang sa narinig daw siya ng kaniyang kapatid na si Congresswoman Maria Fe Romerica Abunda. Nangako raw ito na tutulungan siya sa naiisip niyang proyekto.

Pagkatapos nito, kumonsulta na raw siya sa COMELEC at isang election lawyer kung maaari siyang suportahan ng kaniyang kapatid. Wala naman daw problema, anila. Sa puntong ito, pinasalamatan ni Tito Boy ang kaniyang kapatid na babae.

Tinawagan daw niya ang kaibigang si Mike Sicat mula sa 'Make Your Nanay Proud' Foundation upang ilatag ang tungkol sa proyektong ito, na agad namang pumayag dahil nais daw nitong ipakilala sa mga tao ang mga kandidato sa pagkapangulo, at makakatulong pa sa mga tao upang makilatis sila.

Marami pa siyang mga kaibigang tinawagan upang masuportahan ang kaniyang naisip na proyekto, na agad namang nag-yes sa kaniya.

Originally daw ay isang ballroom ng isang hotel na pagmamay-ari ng kaniyang kaibigan gaganapin ang panayam; kaya lang ay nagkaroon ng surge ng Omicron kaya hindi ito natuloy. Kaya naman, sinagot na lamang nila ang swab testing para sa lahat.

At dahil kailangan din niya ang air time para mapanood ng sambayanan ang gagawin niyang panayam, tinawagan niya ang boss at kaibigang si ABS-CBN Chief Operating Officer for Broadcast na si Cory Vidanes upang ihain ang naturang proyekto.

"That's a very good idea. Let's do it," sagot daw ni Cory sa kaniya.

Marami pa siyang mga kaibigang tinawagan upang makasama at maisakatuparan ang proyektong ito.

"Everything fell into the right place. Ang laki ng pasasalamat ko sa Diyos. Thank you Lord for your infinite kindness. You have a bigger plan, and You are going to make this happen," ani Boy.

"To the citizens of this country, maraming salamat po sa inyong walang sawang suporta sa lahat ng aming mga ginagawa, lalong-lalo na po ito," pasasalamat ni Tito Boy sa taumbayan.

"Sabi nga nila, thank you is the most powerful phrase. It is the line that you say in the presence of God. From the bottom of my heart, I say, thank you. Mabuhay po kayo… Mabuhay po ang Pilipinas!" huling pahayag ni Tito Boy.

Magsisimula na ang 2022 Presidential One-onOne Interviews ni Boy Abunda ngayong Enero 24 na sisimulan kay Senador Ping Lacson, dating Senator Bongbong Marcos (Enero 25), Vice President Leni Robredo (Enero 26), Manila Mayor Isko Moreno (Enero 27) at Senador Manny Pacquiao (Enero 28).

Mapapanood ito ng 6:00PM sa The Boy Abunda Talk Channel sa YouTube at 11:00 PM matapos ang 'The World Tonight' sa Kapamilya Channel.

Matatandaang katatapos lamang ang pinag-usapang 'The Jessica Soho Presidential Interviews' noong Sabado, Enero 22, na napanood sa GMA Network.