Iniulat ni Department of Health (DOH) Undersecretary Maria Rosario Vergeire nitong Martes, Enero 18, na kakaunti ngayon ang kanilang workforce matapos na daan-daang empleyado nila ang magpositibo sa COVID-19 habang daan-daang iba pa ang kasalukuyan pa ring naka-quarantine.
Ayon kay Vergeire, tinatayang nasa 300 empleyado ng DOH ang nagpositibo sa COVID-19 habang halos 400 naman ang naka-quarantine pa.
Sa kabila nito, tiniyak naman ni Vergeire na patuloy pa rin ang kanilang pagtatrabaho at pagbibigay ng serbisyo sa mga mamamayan.
Paliwanag niya, hindi naman apektado nito ang operasyon ng DOH dahil bawat unit ay mayroong skeleton workforce.
“Marami rin po infected, marami rin po naka-quarantine kaya ngayon po medyo mababa po yung workforce namin. But we are still doing and continuing work,” ani Vergeire, sa panayam sa radyo.
Dahil naman aniya sa mas pinaikling isolation at quarantine period para sa mga fully-vaccinated healthcare workers, marami na rin sa kanilang mga personnel ang nagsisimula nang magbalik sa trabaho.
“But because of this new policy direction that we have, ‘yung shift, nakapagbawas na po kami and we are slowly nakakapag-return sa mga bilang ng mga tao sa bawat opisina,” aniya pa.
Mary Ann Santiago