Ibang klaseng pagbabahagi ng blessings ang ginagawa ng TikTok personality at pharmacist na si Arshie Larga matapos sagutin nito ang gamot ng mga mamimili sa kanilang botika.

Ang kanyang pinantutulong niya ay mula din sa kanyang 'napamaskuhan' nang 'makiuso' siya sa pamamasko online gamit ang GCash.

“So ‘di ba po noong Pasko, nauso ‘yung pag-post ng mga GCash accounts sa mga social media accounts natin… edi pinost ko rin ‘yung akin! For fun lang, hindi ko naman in-expect na may mga tao talagang magpapadala ng pera,” pagbabahagi ni Larga sa isa sa kanyang TikTok video.

Umabot na sa P99,998.92 ang nalikom na pera ni Larga mula sa nagpapadala sa kanyang GCash account, as of January 14.

Human-Interest

LABUBudol? Mga artistang nahumaling sa 'Labubu craze!'

Samantala, mayroon namang P43,343.94 ang donasyon ipinaabot kay Larga nang magbukas ito ng kanyang Paypal account.

Sa kabuuan, umabot sa P143,342.86 ang perang ipinadala sa pharmacist.

"Hindi ko po ine-expect na aabot ito sa ganito karami. Oh my God, anong ginawa ko? I assure you po na hindi ito mababaliwa at masasayang at hindi ko po ito gagamitin para sa sarili ko," pagpapasamalat ni Larga.

Nilinaw naman niya na hindi siya nanghihingi ng pera, sadyang may mga tao lamang na nagpapadala ng pera sa kanya at siya ang ginagawang instrumento upang makatulong sa iba.

Nagbabala naman siya sa publiko kontra scammers at sinabi na wala siyang kakilalang nagpapa-solicit para sa kanya.

Sa kanyang tweet, sinabi ni Larga na gusto niya magsagawa ng medical mission ngunit hindi pa maaari dahil sa surge ng COVID-19. Siniguro naman niya na hindi magiging sanhi ng pagkalat ng sakit ang gagawin niyang programa o pagtulong sa pamamagitan ng pakikipag-coordinate sa mga awtoridad.

“Kaya ko po nagagawa ang mga ganoong bagay dahil sa inyo.. Grabe, hanggang ngayon hindi ko po akalain na makakatanggap ako ng ganito kalaking pera mula sa mga tao na hindi ko naman kilala, na hindi rin naman ako kilala personally pero pinagkatiwalaan niyo po ako kaya maraming-maraming salamat po sa inyo,” ani Larga.