Muling nanawagan sa pamahalaan ang Philippine General Hospital Chaplaincy kaugnay sa kakulangan ng healthcare workers sa mga ospital sa gitna ng coronavirus pandemic.
Ayon kay PGH Chaplain head at Jesuit priest Marlito Ocon, nawa'y dinggin na ng pamahalaanang matagal ng hinaing ng mga healthcare workers na pahinga at makakatuwang sa paglutas sa pandemya ng COVID-19.
Sinabi ni Ocon na lubos nang nahihirapan ang mga medical frontliners dahil sa labis na oras ng pagtatrabaho dulot ng kakulangan sa mga empleyado sa mga ospital na nagiging sanhi na rin ng pagkakasakit.
“Sana po pakinggan ng pamahalaan ang hinaing ng mga health workers na hanapan ng paraan... Sana matugunan din nila kung ano ba talagang problema at hindi sila maka-hire ng mga pansamantalang hahalili sa mga nagkakasakit na medical workers,” ani Fr. Ocon sa panayam sa church-run Radio Veritas.
Iginiit pa ng pari na tila wala umanong konkretong solusyon ang pamahalaan hinggil sa suliranin ng sektor ng kalusugan kung kaya'y hanggang ngayon ay nahihirapan ang bansa na malunasan ang umiiral na pandemya.
“So, parang madalas ang sagot ay wala talaga. Parang hinayaan na ganon na wala talagang magawa. Kung totoo man na wala talaga e magsa-suffer talaga tayong lahat,” aniya pa.
Nauna nang sinabi ni Fr. Ocon na hindi na takot sa virus ang kalaban ng mga health workers, kundi ang pagkapagod umano sa misyong lunasan ang karamdaman ng mga pasyenteng lubos na apektado ng COVID-19.
Mary Ann Santiago