Usap-usapan ngayon sa mga social media platforms ang umano'y pag-unfollow ni Kapamilya teen star Andrea Brillantes sa kapwa Kapamilya teen star na si Francine Diaz, sa kaniyang Instagram account.
Ang puno't dulo umano ng pag-unfollow ay ang kumakalat na TikTok video kung saan makikitang magkasama sina Francine at ang katambal ni Andrea na si Seth Fedelin, bagay na ikinaselos umano ni Blythe (Andrea). Ang litrato ay inupload ng ina ni Francine na si Merdick Diaz noong Enero 12.
Sa katunayan, as of this writing ay trending sa Twitter ang #Blythe, Chin, Andrea, Francine, at #FranSeth dahil nawindang ang kani-kanilang mga tagahanga, na nagsimula sa teleseryeng 'Kadenang Ginto' kaya nabuo ang 'The Gold Squad.'
Ang The Gold Squad ay binubuo ng tambalang SethDrea (Seth Fedelin at Andrea Brillantes) at KyCine (Kyle Echarri at Franchine Diaz). Nauna nang sinabi at pinagdiinan ni Kyle na wala umano silang relasyon ni Francine at talagang trabaho lamang ang mayroon sa kanilang dalawa, nang pumasok si Kyle bilang housemate sa Pinoy Big Brother (PBB): Kumunity Season 10 Celebrity Edition.
Ayon sa kumakalat na chika mula sa mga Marites (na hindi pa kumpirmado kundi alingasngas lamang), ang totoong bet umano ni Seth ay si Francine, subalit wala umano siyang magawa dahil malakas at iniingatan nila ang tambalan nila ni Andrea. At si Andrea naman umano ay nahulog na raw kay Seth, kaya nagseselos umano siya sa pagiging malapit ng dalawa, kaya nabuo ang hashtag na #FranSeth. Ngunit wala pang nagkukumpirma ni isa sa kanila kung trulalu at walang halong eklavu ang chikang ito.
May kumakalat pang TikTok video na nagbibigayan sila ng bouquet of flowers sa kani-kanilang katambal, ngunit ang mata ni Seth ay nakatingin umano kay Francine.
Samantala, pinag-uusapan din ang kumakalat na TikTok video ni Andrea kung saan makikitang parang mugto ang mga mata niya, bagama't ang caption ay bagong gising siya.
Napansin naman ng mga netizen na ang background music ay 'mapanakit'. Isang netizen pa ang nag-post ng lyrics nito sa comment section.
"I gave my all and they know it. You turned me down and now it's showing. In two months, you replaced us. Like it was easy. Made me think I deserved it," ayon sa lyrics ng awitin na background music ni Andrea na inawit ni Selena Gomez na 'Lose You To Love Me.'
Napansin naman ng mga netizen na ni-like ito ng 'creator' o ni Andrea.
Samantala, narito naman ang mga reaksyon at komento ng mga netizen.
"Wait ang sa akin lang, why did Blythe post several things to add fuel to the fire?? Like uso munang i-resolve lahat privately?? Kasi fake page ni Francine 'yon? Plus, bakit si Chin (Francine) lang inunfollow (?) IDK sana di masira friendship nila."
"The issue between Seth and Chin is trending but the two chose to remain silent."
"I feel bad for Blythe. Mahirap din nga yung umasa ka na mare-reciprocate yung pagmamahal mo sa isang tao, pero iba naman pala ang gusto."
As of 6:00PM, sa muling pagsisiyasat ng Balita Online sa IG account ni Andrea ay mukhang nag-follow back na ulit siya kay Francine.
Iyan din ang update ni 'Pambansang Lalaking Marites' Xian Gaza.
Subalit ang latest chika, muling nag-unfollow si Andrea, at this time, nag-unfollow na rin si Francine kay Andrea. Bukod doon, pinag-usapan din ang IG story ni Andrea habang nakikinig sa kantang 'Pano' ni Zack Tabudlo.
Pareho naman silang naka-follow kay Seth.
Pabirong sabi ng mga netizen, 'Marga Mondragon versus Cassie Mondragon' na ba ulit?
Sa kasalukuyan ay wala pang reaksyon, tugon, o pahayag ang mga nasasangkot na teen stars tungkol sa usaping ito. Wala pa ring pahayag ang Star Magic o ang ABS-CBN hinggil dito.