Umaabot na ngayon sa halos 30,000 ang mga aktibong kaso ng COVID-19 sa bansa.
Ito’y matapos na makapagtala pa ang Department of Health (DOH) ng 5,434 bagong kaso ng COVID-19 nitong Martes, Enero 4, 2022.
Batay sa case bulletin #661, nabatid na umaabot na ngayon sa 2,861,119 ang kabuuang bilang ng COVID-19 cases sa Pilipinas.
Sa naturang bilang, 1.0% pa o 29,809 ang aktibong kaso o nagpapagaling pa mula sa karamdaman.
Sa mga aktibong kaso, 24,026 ang mild cases; 3,020 ang moderate cases; 1,546 ang severe cases; 889 ang asymptomatic at 328 ang kritikal.
Nakapagtala rin naman ang DOH ng 611 bagong gumaling sa sakit, sanhi upang umabot na sa 2,779,706 ang total COVID-19 recoveries sa bansa o 97.2% ng total cases.
Nasa 18 naman ang iniulat na namatay sa karamdaman, ngunit dalawa lamang sa mga ito ang namatay nitong Enero 2022 at ang iba pa ay pawang naganap pa noong nakaraang taon.
Sa ngayon, ang Pilipinas ay nakapagtala na ng 51,604 total COVID-19 deaths o 1.80% ng total cases.
Mary Ann Santiago