Umabot na umano sa 15 ang nahawaan ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) ng isang babaeng biyahero mula sa United States matapos itong umalis mula sa isang hotel kahit hindi pa tapos ang quarantine period nito sa Makati City kamakailan.

Inihayag ni Departmentof the Interior and Local Government (DILG)Secretary Eduardo Año na ang nasabing babae ay nakipag-dinner at dumalo sa isang party sa bar kahit sumasailalim pa ito sa mandatory quarantine sa Berjaya Makati Hotel.

Nitong Disyembre 26, sumailalim aniya ang babae sa swab test kung saan natuklasang nagpositibo ito sa COVID-19."Yung problema, 'yung mga nakasama niya sa dinner and sa bar, ay mga nagpa-positive na rin... Ang sabi lang about 15 'yung nagpa-positive. We need to confirm that," aniya.

"Kung Omicron case 'to, huwag naman sana. Kasi ang bilis talaga kung Omicron... Magpa-test na lang," pahayag nito.

Lalaking ipinagpalit daw sa pangit, nanaksak ng hindi kilala!

Gayunman, ipinaliwanag ng opisyal na patuloy pa rin ang imbestigasyon sa usapin.

"Ang mga ka-party niya, marami na ring nag-positive noon. Marami na ring may symptoms doon. We still don't know if it is Omicron because hindi pa, wala pang result 'yung genome sequencing niya," dugtong na pahayag nito.

Paniniyak nito, mananagot ang nasabing biyahero dahil sa paglabag sa alituntunin ng gobyerno laban sa COVID-19, gayundin ang nasabing hotel dahil sa pagkabigong bantayan ang taong sumasailalim sa quarantine protocol.