Hindi malilimutan ng bagong kasal ang kanilang karanasan sa wedding reception nila, na isang masayang pangyayari sana sa buhay nila, subalit nag-iwan naman sa kanila ng kahihiyan.

Inireklamo ng bagong kasal na sina John Michael at Arra Saflor sa programang 'Raffy Tulfo in Action: Wanted sa Radyo' ang 'Mhine Catering Services' na pagmamay-ari ni Jepie Gutierrez, dahil nang matapos ang kanilang kasalan at magpunta na sa venue ng reception, ay wala ni isa mang upuan, mesa, o dekorasyon man lamang doon. Ang mas 'nakawiwindang' pa, ipinadalang nakasilid sa plastik na labo ang mga pagkain.

Atty. Sam Ferrer, John Michael at Arra Saflor (Screengrab mula sa YT/Wanted sa Radyo)

BALITAnaw

BALITAnaw: Ang dalawang babaeng naging pangulo ng Pilipinas

Nakapag-food tasting pa raw sila at umorder ng pagkain para sa 100 pax, sa halagang ₱29, 200.

Walong taon ang naging relasyon ng mag-asawa bago sila magpasyang magpakasal kaya lungkot na lungkot sila sa kakaibang karanasan na ito.

Ayon sa mag-asawa, 10:00AM ang kasunduan nila ng caterer ngunit pasado 1:00PM na dumating ang mga waiter at walang dala ni isang gamit.

Nagpasya na ang mag-asawa na humingi ng tulong sa programa ni Raffy Tulfo, sa pamamagitan ni Atty. Sam Ferrer upang panagutin ang Mhines Catering Services.

Sinisi naman ni Gutierrez ang kinuha niyang tagaluto para sa wedding reception ng mag-asawa. May business permit naman daw sila kaya nakahanda siya kung sakaling umakyat sa kaso ang naturang insidente.

Atty. Sam Ferrer, John Michael at Arra Saflor, at Jepie Gutierrez (Screengrab mula sa YT/Wanted sa Radyo)

Humingi na rin umano siya ng pasensya sa mag-asawa. Aminado siyang na-late ang kaniyang staff sa pagpunta sa venue ng wedding reception ng araw na iyon. Ang pahayag naman umano ng kaniyang mga staff ay may ibang tao umanong nirentahan ang bride and groom para sa chairs and tables.

Ngunit ayon kay Atty. Ferrer, malinaw umano na hindi tumupad sa napagkasunduan ang catering services. Nanindigan naman ang mag-asawa na hindi sila magpapa-areglo sa kanilang inirereklamo kahit na alukin pa sila ng malaking halaga. Anila, kayang-kaya nilang kitain ang perang ibinayad nila sa catering services, ngunit hindi na mababawi pa ang kahihiyan at perwisyong nangyari sa kanila.

Hinikayat naman ni Atty. Sam Ferrer ang mga manonood na makipag-ugnayan sa kanila kung isa sila sa mga nabiktima ng Mhines Catering Services.