Hiniling na ni Manila Mayor Isko Moreno nitong Lunes sa Manila City Council na pinamumunuan nina Vice Mayor at Presiding Officer Honey Lacuna at Majority Floor leader Atty. Joel Chua, na bumalangkas ng bagong ordinansa na magtatakda ng bagong entrance fee sa newly-renovated Manila Zoo na nakatakda nang magbukas sa publiko sa susunod na taon.

Nabatid mula kay parks and recreation bureau director Pio Morabe, ang lumang admission rates sa zoo ay ₱50 para sa mga Manilenyo at ₱100 para sa mga hindi residente ng lungsod.

Kung magtatakda ng bagong entrance fee sa naturang zoo ay nangangailangan ito ng bagong ordinansa mula sa Manila City Council.

Ang Manila Zoo ay magkakaroon ng soft opening sa Disyembre 30, kung saan ang may 1,300 construction workers at kanilang mga pamilya ang mga kauna-unahang magiging bisita.

National

Padilla, Zubiri, pinaiimbestigahan status ng implementasyon ng amnesty proclamations ni PBBM

“I want them to savor the fruits of their labor. Maituro man lamang nila sa mga anak nila na ‘ako ang gumawa nyan, ako gumawa nito,’ and it is the city government’s way of thanking them for their hard work,” sabi ni Moreno, na siya ring standard bearer ng Aksiyon Demokratiko sa 2022 presidential elections.

“I am happy for the workers dahil sa panahon ng pandemic, hindi sila nawalan ng trabaho,” dagdag pa ng alkalde.

Umapela rin naman si Moreno sa mga may mabubuting kalooban o grupo ng mga indibidwal na mag-donate o magpahiram ng kanilang mga alagang hayop bilang karagdagan sa mga inorder na ng pamahalaang lungsod.

Ayon kay Moreno, ang bagong zoo ay magkakaroon ng flamingos na isang uri ng wading birds na may mahahaba at payat na mga binti at leeg at may matigas at pababang tuka.

Inaasikaso na rin aniya niya ang pagkakaroon ng panibagong elepante sa zoo bilang kasama ng 50-year-old na si Mali at papangalanan niya itong‘Posam.’ Ang mga salitang ‘Mali’ at ‘Posam’ ay mga salitang kalye na ang ibig sabihin ay ‘lima’ at ‘sampu.’

Sinabi rin ng alkalde na ang bagong hawla o kulungan ng mga hayop ay maaari nang puntahan nang malapitan ng publiko upang mas makita nila nang malapitan ang mga hayop.

“We have built modern cages, mukhang nature, hindi de kahon at ‘yung mga bata pwede nilang makita ang tiger ng face-to-face,” sabi ni Moreno kaugnay ng bagong setup ng mga kulungan ng hayop kung saan isang makapal na salamin lang ang pagitan ng mga hayup sa mga bisitang pupunta sa zoo.

Ang bagong sewage treatment plant sa loob ng zoo ay karagdagang pasilidad na titiyak na hindi na magdaragdag ng kahit na anumang dumi o pollutant ang zoo sa Manila Bay.

Matatandaan na ang nasabi zoo ay ipinasara noong January 2019 matapos na tukuyin ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang sewage nito na siyang pangunahing pollutant sa Manila Bay.

Nang maupo bilang alkalde ng Maynila si Moreno, ginamit nito ang pagpapasara sa zoo bilang oportunidad na isagawa ang kailangang rehabilitasyon ng lugar na siyang kauna-unahan simula nang magbukas ito noong 1959.

Mary Ann Santiago