Hiningan ni Kapamilya host Luis Manzano ng reaksyon at komento ang kaniyang inang si Star For All Season at kongresista ng 6th district ng Batangas na si Vilma Santos-Recto, tungkol sa relasyon nina Edu Manzano at Cherry Pie Picache.

Pag-amin ni Vilma sa vlog ni Luis na 'Luis Listens', marami nga raw ang tumatawag sa kaniya upang subuking hingin ang kaniyang reaksyon nang lumabas ang balita tungkol dito, dedma siya dahil ayaw niyang mangialam umano sa isyu.

"Ang dami-daming tumatawag sa akin, nag-iinterbyu, hindi ko sinasagot, anak. Ang sabi ko, I don’t want… ayokong makialam sa isyu na ‘yan," diretsahang sabi ni Vilma.

“What’s important, I guess, ang puwede ko lang i-share, I am happy. You know naman si Eduardo, your dad, and Pie is a very close friend of mine. At this point in time ng buhay natin, ang pinaka-importante lang ay nariyan ang respeto at pagmamahal. So I wish them all the best,” aniya.

Doc Willie Ong, na-touch sa mensahe ni VP Sara sa kaniya

Matatandaang si Vilma ang unang babaeng pinakasalan ni Edu sa pamamagitan ng civil wedding sa Las Vegas, Nevada, USA, noong Hulyo 19, 1980 at ang naging bunga ng kanilang pagmamahalan ay si Luis, na ang palayaw pa noon ay 'Lucky' bago pasukin ang showbiz.

Hindi nagwakas sa forever ang relasyon ng dalawa.

Nitong Nobyembre 19, 2021, kinumpirma ni Edu ang relasyon nila ni Cherry Pie, na unang natunugan dahil sa Instagram posts nila. Nagsimula umanong magka-developan ang dalawa sa lock-in taping ng teleseryeng 'Marry Me, Marry You' sa Kapamilya Network, kung saan gumaganap sila bilang dating magkarelasyon, at ka-love triangle si Teresa Loyzaga.

Ilang beses na ring nagkatrabaho sina Vilma at Cherry Pie sa mga pelikula gaya ng 'Bata, Bata… Paano Ka Ginawa? (1998)' at 'Anak (2000)' na parehong award-winning at produced by Star Cinema.

Sa katatapos na ABS-CBN Christmas Special na umere nang live nitong Disyembre 18, unang beses na nagpakita at nagsama sina Edu at Cherry Pie sa pagbibigay ng spiels, matapos ang kanilang rebelasyon sa kanilang romantic relationship. Biro pa ng mga netizen, sila na raw ang bagong kakabog sa sikat na tambalang KathNiel nina Kathryn Bernardo at Daniel Padilla.

BASAHIN:

Sa ngayon ay happily married na si Vilma sa senador na si Ralph Recto.