Tiniyak ni Vice President Leni Robredo, kasama ng kanyang buong tanggapan sa mga biktima ng bagyo na hindi sila pababayaan sa panawagan niya sa mga Pilipino na patuloy na magpadala ng tulong.

Sa gitna ng pananalasa ng bagyong umalis sa bansa, hinimok ni Robredo ang mga biktima na patuloy na kumapit habang tiniyak niya sa kanila na “may darating na tulong.”

“Wag po sana kayong mawawalan ng pag-asa kasi hindi namin kayo pababayaan. Sama sama po tayong aangat muli. Kaya po natin ito,” ani Robredo sa kanyang Facebook live nitong Lunes, Dis. 20.

Humingi rin siya ng pag-unawa kung ang ibang mga lugar na lubhang apektado ay hindi pa maabot ng anumang relief operations dahil sa hamon ng komunikasyon.

National

Matapos rebelasyon ni Garma: Ex-Pres. Duterte, dapat nang kasuhan – Rep. Castro

“Ang hirap po ng pag-coordinate, ang hirap po magpadala ng goods, mahirap din po yung land travel ng goods dahil maraming nakasara. So, ano po talaga hinahanap po natin yung lahat na pwedeng paraan para po makarating sa inyo yung tulong,’ paliwanag ni Robredo.

“So ang assurance ko po sa inyo, kasama n’yo kami in every step of the way. Yung amin pong teams ay hindi hihinto haggang hindi sa inyo makarating,” dagdag ng Bise-Presidente.

Nanawagan din ang presidential aspirant sa mga Pilipinong hindi apektado ng kalamidad na ipagpatuloy ang pagpapadala ng tulong dahil umaasa siyang ang mga kuwento ng mga biktima na ibinahagi niya sa kanyang Facebook live ay magsisilbing call to action para sa buong bansa.

Apela ni Robredo, “Sa akin po, magpapasko ngayon, ‘wag tayong pumayag na may mga kababayan tayong magpapasko na wala man lang makain, wala man lang matirhan at nawawalan ng pag-asa.”

“This is not the time to blame each other,” dagdag niya.

Sinabi ng tumatakbong Pangulo sa 2022 elections na ipagpapatuloy ng kanyang tanggapan ang kanilang relief operations sa Mertes, Dis. 21.

Bumisita rin siya kamakailan sa Bohol, Siargao, Dinagat Islands, Southern Leyte para suriin kung paano matutulungan ng kanyang tanggapan ang mga lalawigang lubhang naparalisa ng Bagyong Odette.

Betheena Unite