Ikinatuwa at pinuri ng Taguig City Government ang mga tauhan ng Pasig at Makati City Police sa maagap at mabilis na aksyon na nagresulta ng pagkakaaresto ng apat na miyembro ng Philippine National Police (PNP) na nakatalaga sa lungsod na sangkot sa robbery sa Pasig City noong Sabado.
Basahin: https://balita.net.ph/2021/12/20/hepe-ng-4-pulis-na-sangkot-sa-pasig-robbery-sinibak-din/
Ipinag-utos ni Mayor Lino Cayetano sa Taguig City Police na makipagkooperasyon sa imbestigasyon at agarang maglunsad ng sariling pagsisiyasat sa nangyaring insidente.
Mariing kinukondena ni Mayor Cayetano ang naturang insidente at hindi aniya dapat itong kunsintihin.
Hiniling na ng alkalde sa hepe ng Taguig City Police na tignan ang lahat ng mga tauhan, linisin ang mga ranggo at ipatupad agad ang kautusan.
Nais din ni Cayetano na magpatupad ng reshuffle ang Taguig PNP habang gumugulong ang imbestigasyon.
Bukod dito hinirit din ng alkalde ang pangkalahatang imbestigasyon nang matanggap ang reports na may sangkot na City Government employee sa nasabing insidente.
“I am creating a special investigation committee that will immediately look into a robbery incident involving a Taguig City employee. All links in relation to this incident will be looked into," pahayag ng alkalde.
Kinukondena ng Taguig City ang lahat ng karahasan, ilegal na droga at korapsyon at hindi kukunsintihin ang sinumang kawani na sangkot sa anumang uri ng krimen.
"Let this serve as a very strong warning to bad elements who prey on innocent civilians. In Taguig, regardless of who you are, you will be punished to the fullest extent of the law," diin ni Cayetano.
Bella Gamotea