Mahigit sa 2.3 milyong doses ng COVID-19 vaccines ang nai-administer ng pamahalaan sa ikalawang round ng national vaccination drive na "Bayanihan Bakunahan."

Sa Laging Handa briefing, sinabi ni Department of Health (DOH) Undersecretary Myrna Cabotaje, mula Disyembre 15 hanggang 17 ay kabuuang 2,369,216 doses ng bakuna ang kanilang nai-administer, o 31% ng kanilang total target na pitong milyon.

Sa naturang kabuuang bilang, 1.65 milyon ang naiturok noong Disyembre 15; 759,028 noong Disyembre 16 at 544,539 naman noong Disyembre 17.

Anang opisyal, inaasahan na nila ang mas mababang turnout ng ikalawang bugso ng nationwide bakunahan dahil na rin sa suspendido ang vaccination drive sa ilang rehiyon na naapektuhan ng bagyong Odette.

National

De Lima, hinamon si Roque na sumuko: 'Hindi 'yung nagtatapangan lang siya!'

Kabilang sa mga rehiyon na na-postponed ang bakunahan ay ang Regions V, IV-B, VI, VII, VIII, IX, X, XI at XII, gayundin ang mga rehiyon ng Caraga at Bangsamoro.

Inaprubahan naman ni Pang. Rodrigo Duterte ang rekomendasyon ng National Task Force (NTF) Against COVID-19 na i-reschedule ang vaccination drive sa mga naturang lugar sa Disyembre 20 hanggang 22.

Sa kasalukuyan, nakapag-administer na ang pamahalaan ng 100,600,809 doses ng COVID-19 vaccines.

Kabilang dito ang 56,167,765 na naiturok bilang first dose at 43,351,844 naman sa second dose.

Kabuuang 1,081,200 doses naman ang naipagkaloob bilang booster shots. 

Ang unang bugso ng nationwide vaccination drive ay idinaos noong Nobyembre 29 hanggang  Disyembre 1. 

Mary Ann Santiago