Inilunsad ng Marikina City government at ng Philippine National Police (PNP) nitong Huwebes ang Marikina River Patrol upang matiyak ang kaligtasan at seguridad ng mga residente na magtutungo sa paligid ng park area.
Ayon kay Marikina City Mayor Marcelino “Marcy” Teodoro, mahalagang matiyak na ang Marikina River Park area ay ligtas para sa publiko, partikular na ngayong holiday season, kung kailan maraming mga tao ang bumibisita sa 11-kilometrong kahabaan ng river park sa gitna ng COVID-19 pandemic.
“Dahil sa requirement ngayon sa mobility at ng strict restrictions on the venue limitation na mayroon tayo under Alert Level 2, mayroong mga tao ang gumagamit ngayon ng ating river park area. Kaya napakahalaga na gawin natin itong ligtas para sa kanila,” anang alkalde.
“Kaya maliban doon sa mga nagpapatrol sa parke ay nagdagdag tayo at naisipan natin i-collaborate with the PNP on this program of making our river park a safer place,” dagdag pa ng alkalde.
Inihayag pa ni Mayor Marcy na ang joint project na ito ng city government at PNP ay bahagi ng disaster preparedness ng lungsod.
“Mahigit pa diyan, ang mga motorboats natin na mayroon tayo. These will also serve as rescue boats kung may kalamidad. Part din ng disaster preparedness, ginagamit din natin silang training units sa search and rescue,” aniya. “Itong dalawang ito ay maaring simula pa lamang.”
Bilang karagdagan, sinabi ng alkalde na ang PNP at ang Marikina Rescue 161 ng city government ay nagsasagawa na ng interoperability training.
Sa launching naman ng proyekto, nag-donate ang LGU ng dalawang motorboats sa PNP habang ilang pribadong indibidwal naman ang nagkaloob ng tatlong all-terrain vehicles (ATVs).
Anang PNP, gagamitin ng kanilang mga unipormadong personnel angmga naturang ATVs upang mag-ikot at magbantay sa paligid ng Marikina River Park area.
Plano rin naman ni Mayor Marcy na magtayo ng headquarters para sa river patrol sa Marikina River Area.
“We are thinking of building a bigger number of motorboats or rescue boats. Ang isa pa naming gusto sanang ma accomplish ay magkaroon ng isang permanent na area we could identify along the 11-kilometer stretch that will serve as headquarters for the river patrol,” anang alkalde.
Sa kanyang panig, nagpaabot naman si National Capital Region Police Office (NCRPO) Chief Major Gen. Vicente Danao ng labis na pasasalamat sa city government, particular na kay Mayor Marcy, at sa mga naturang pribadong indibidwal na sumuporta sa Marikina River Patrol project.
“Kami ay lubos na nagpapasalamat, on behalf of the Philippine National Police Team NCRPO, Team Eastern Police District, for having this kind of patrol boats which could be of big help lalong-lalo na sa community ng Marikina,” aniya.
“With this patrol boats that we have, it will save more lives and more properties in the future kasi napakalaking bagay nito. Words are not enough to really express how grateful we are for these contributions which will be of big help lalong-lalo na sa pagsasalba hindi lang ng buhay ng ating mga kapulisan, but for the whole community as well,” aniya pa.
Mary Ann Santiago