Natukoy na ng Department of Health (DOH) ang walong close contacts ng dalawang unang pasyente ng Omicron variant sa Pilipinas, at pito sa mga ito ang nagnegatibo sa COVID-19.

Sa isang media briefing, sinabi ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire na ang isa sa mga ito ay close contact ng 48-taong gulang na lalaking returning overseas Filipino (ROF) mula sa Japan habang ang pito pa ay close contacts naman ng 37-taong gulang na Nigerian national mula sa Nigeria.

Nabatid na ang close contact ng ROF ay nagnegatibo na sa sakit noong Disyembre 4 pa.

Ipinaliwanag ni Vergeire na isa lamang ang close contact ng ROF dahil ito’y nakapwesto sa business class at mayroon lamang isang pasahero ang kasama niya doon.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Samantala, ang anim naman sa pitong close contacts ng Nigerian national ay nagnegatibo na rin sa pagsusuri at nakakumpleto na ng kanilang mandatory quarantine.

Ang resulta naman ng pagsusuri sa natitira pang close contact ay biniberipika pa.

“So again, the reason why there are just seven close contacts because the foreign national sat at the very end of the place. So we only counted those in front of him and on his side,” paliwanag pa ni Vergeire.

Sinabi ni Vergeire na ang close contacts ay tinutukoy sa pamamagitan nang pagbilang ng apat na upuan sa bawat direksiyon mula sa positibong kaso.

“Ngayon para naman sa close contact, ang ating epidemiologic identification of close contacts when you are in a plane is to count four seats in front of you, four seats on your left, four seats on your right, and four seats sa likod mo,” paliwang pa niya.

Nakatakda na rin aniyang kumolekta ng samples mula sa dalawang Omicron cases para sa muling pagsailalim dito sa RT-PCR test.

Nitong Miyerkules, una nang kinumpirma ng DOH na may dalawang kaso na ng Omicron variant ng COVID-19 ang natukoy nila sa Pilipinas.

Mary Ann Santiago