Muling dinepensahan ni presidential aspirant at senador na si Manny Pacquiao ang misis na si Jinkee Pacquiao laban sa mga bashers nito na nagsasabing wala itong ginawa kundi 'ipagyabang' sa social media ang mga mamahalin at branded na mga gamit nito gaya ng damit, bag, at sapatos.
Ayon kay PacMan, hindi na siya naaapektuhan ng mga ganitong klaseng batikos; hindi naman daw pagmamamayabang ang ginagawa ni Jinkee kundi ipinagmamalaki lamang ang katas ng kanilang pinaghirapan.
Negosyante na rin naman si Jinkee at may mga endorsements kaya may sariling pera si Mrs. Pacquiao at nabibili ang mga nais niyang bilhin.
“Alam n’yo po, hindi naman ako naapektuhan diyan kasi naniniwala kami sa Panginoon. Ang aking asawa lamang po ay hindi naman po talaga mayabang ‘yan, ‘no," ani PacMan.
“Nagpo-post siya nang ganyan, hindi naman ipinagmamalaki niya, gusto lang niyang bigyan ng inspirasyon ang ating mga kababayan na magsikap, walang imposible."
“Kasi kami, galing sa pinakamahirap na pamilya. Dahil sa nagsikap, kami ay proud kami na yung mga natamo namin sa buhay, hindi po namin ninakaw ‘yan, pinaghirapan po namin."
“So, marami naman diyan dini-display ang ano nila pero hindi pinaghirapan, ninakaw po sa taong bayan. Mahirap 'yun,” pagtatanggol pa ni Pacquiao sa misis sa isang panayam.
Dagdag pa ng senador, mahiyain daw at humble si Jinkee.
“At yung asawa ko, mahiyain po ‘yan. Humble po masyado ‘yan. Siguro, sinasabi lang maganda dahil yun yung nasuot ng aking asawa, yun ang gusto niyang background."
“Siguro po yung iba, naiinggit, humanap din kayo ng magagandang background, kunwari mansion din yung nasa background ninyo, kunwari mamahalin din yung mga suot niyo, idi-display, ganoon. Pero hindi sinasabi doon na, ‘Ito ay wala kayong ganito,’ hindi po ganoon ang asawa ko. Hindi po 'yun yung ibig sabihin."
As true Christians daw ay hindi na nila bino-broadcast kung sino-sino ba ang mga natutulungan nila.
“Hindi kailangan kung ano ang ginagawa ng kanan ay malalaman ng kaliwa. Ngayon lang po talaga naa-announce yung mga ginagawa ko na sarili kong pera ang gastos na politiko na ako,” aniya pa.