Muling iginiit ng senatorial aspirant at human rights lawyer na si Jose “Chel” Diokno ang kanyang paninindigan na dapat managot ang nasa likod ng libu-libong extrajudicial killings (EJKs) habang kinundena niya ang pagpatay sa mamamahayag na si Jesus Malabanan.

Ani Diokno, ang nakababahalang insidente ay “malinaw na resulta ng kultura ng impunity at kawalan ng pananagutan sa ilalim ng administrasyon ni Duterte."

Mariing kinundena ng beteranong abogado ang “walang kabuluhang pagpatay” kay Malabanan, isang  Manila Times correspondent ng hindi pa nakikilang salarin sa loob ng kanyang tindahan sa Calbayog City, sa Samar nitong nakaraang linggo.

Si Malabanan, 58, ang pinakahuling mamamahayag na pinaslang kasunod ng pagkamatay ng mamamahayag ng Davao del Sur na si Orlando Dinoy noong Oktubre ng taong ito.

National

Heydarian, happy sa 'immense progress' at latest HDI score ng Mindanao

Ang kanyang pagkamatay ay ika-22 sa listahan ng mga pinatay na mamamahayag sa ilalim ng Admisnistrasyong Duterte batay sa mga ulat, ayon sa Commission on Human Rights (CHR).

Sinabi ni Diokno na kailangang ipatupad ang pananagutan sa mga sangkot sa libu-libong pagkamatay sa madugong giyera kontra droga.

“Maraming-maraming pamilya ang naghahanap ng hustisya. Gusto nilang malaman kung papaano ba napatay iyong kanilang mahal sa buhay,” ani Diokno sa isang panayam kamakailan.

Idinagdag ni Diokno na ang CHR ay dapat “properly funded and have enough plantilla personnel” para mabisa nitong maisagawa ang mandato nito sa ilalim ng 1987 Consitution.

Raymund Antonio