Posible umanong bago matapos ang taong ito ay mabigyan na ng emergency use authorization (EUA) ang COVID-19 vaccine ng Pfizer para sa mga batang nasa 5-11 age group.
Kinumpirma ni Food and Drug Administration (FDA) Director General Eric Domingo na nitong nakaraang linggo ay naghain na ang Pfizer ng aplikasyon para sa EUA upang magamit ang kanilang bakuna sa mga batang nasa lima hanggang 11-taong gulang lamang.
“Sa ngayon meron tayong application galing sa Pfizer for 5-11 years old. Sinubmit nila ito last week,” ayon kay Domingo, sa isang panayam sa radyo, nitong Linggo ng umaga.
Pinag-aaralan na aniya ito sa ngayon ng mga eksperto at may posibilidad na bago matapos ang taon ay maaprubahan na ito.
“Ito ang ine-evaluate ngayon ng ating vaccine experts,” ani Domingo. “So may possibility na baka mabigyan ng EUA before the end of the year.”
Una nang sinabi ng pamahalaan na plano nilang palawakin pa ang pediatric vaccination laban sa COVID-19 sa mga batang nasa 5-11 age group sa Enero 2022.
Samantala, hindi pa nagsusumite ang Moderna ng kahalintulad na aplikasyon sa pamahalaan at wala pa rin aniyang ibinibigay na clinical trial data ang mga ito.
“Hanggang 12 years old pa lang ang sinubmit nila sa atin. Hindi pa natin mabibigyan ng permit 'yan for use in children below 11 years old,” aniya pa.
Matatandaang ang paggamit ng COVID-19 vaccine ng Pfizer para sa 5-11 age group ay inaprubahan na sa Estados Unidos, Canada, Europa, at Australia.
Sinabi ni Domingo na maganda ito dahil may nakikita nang real world data bukod sa clinical trial data lamang.
Mary Ann Santiago