May panuntunan ang mga Robredo: isang miyembro lang ng pamilya ang maaaring pumasok sa pulitika sa isang takdang panahon, na nangangahulugang hindi papasok sa parehong mundo ang tatlong anak na babae ni Vice President Leni Robredo sa lalong madaling panahon kung manalo siya sa 2022 presidential race.

Batid ng aspiring president na maaaring maging bukas sa pagsali sa pulitika ang kanyang mga anak dahil ipinanganak sila na mulat dito. Ang kanilang ama, ang yumaong Interior Secretary Jessie Robredo, ay alkalde na ng Naga City habang sila ay lumalaki.

“Si Aika dalawang eleksyon nang nililigawan nung ibang mga pulitiko sa amin, kinukumbinsi, to run for mayor or to run for another position. Ang policy namin, hanggang nakaupo pa ako sa gobyerno, walang puwedeng ibang kumandidato sa amin,” sabi ni Robredo sa isang audience sa naganap na meet and greet sa Saint Louis sa Baguio City.

Nauna nang sinuyo si Aika na tumakbo para sa isang gubernatorial post sa 2022 ngunit nauna niyang ibinahagi sa Manila Bulletin na bilang isang general rule, isang tao lang sa pamilya ang maaaring nasa pampublikong opisina.

National

Bilang ex-DepEd chief: VP Sara, masaya sa naitayong museo sa Camarines Norte

Pinaka-kwalipikadong tumakbo para sa pampublikong opisina ang panganay na anak ni Robredo dahil ang gitnang anak na si Tricia ay isang doktor, habang ang bunso, si Jillian, ay tinatapos pa rin ang kanyang double degree sa math at economics sa New York University sa ilalim ng isang full scholarship.

Sinabi ng Bise Presidente na ang isyu ng political dynasty ay nakakahiya para sa kanila, at ni minsan ay hindi nila naisip na “namana” nila ang posisyon ng kanyang yumaong asawa bilang alkalde pagkatapos maglingkod.

“Para sa amin nakakahiya iyon, hindi namin gagawin iyon,” sabi ni Robredo.

Siyempre, hindi isinasara ni Robredo ang mga pintuan para sa kanyang mga anak na babae na tumakbo para sa pampublikong opisina.

“So, hindi siya malayo. Pero sinasabi ko pagpasok ka, number one, dapat wala na ako sa pulitika. Number two, hindi mo mamanahin. Kailangan umuwi ka doon at pagtrabahuhan mo,” dagdag ng bise-presidente.

Kaya naman mahalaga ang People’s Council, na isusulong ni Robredo kung siya ay magiging pangulo, dahil makatutulong ito sa pagbabago ng kaisipan ng mga pulitiko hinggil sa pagkamit sa kapangyarihan at patronage politics.

Dapat ay “walang karapatan sa posisyon,” aniya, habang nagpapaliwanag na ang Empowerment Ordinance ng Naga City na lumikha ng Naga City People’s Council ay nagpapahintulot para sa direktang pakikilahok ng civil society sa pamamahalaan.

Nangangahulugan ito na kahit na nagbago ang pamunuan, magpapatuloy ang mga programa.

Naniniwala siya na mas maraming problema ang malulutas kapag ang mga tao ay nakikibahagi sa pamahahala at kapag sila ay binigyan ng kapangyarihan na lumahok sa proseso ng paggawa ng desisyon.

“Kahit pa ako ang manalo sa eleksyon, kung solo lang ako, hindi ko kakayanin. Ang transformation kailangan mangaling sa ating lahat,” sabi ni Robredo.

Ang Naga City People’s Council ang inspirasyon sa likod ng Robredo People’s Cpuncil, na dinadala niya ngayon sa mga bayan, at lungsod na kanyang binisita. Sa mga pagpupulong ng konseho, nakikipag-usap siya sa iba’t ibang grupo at sektor para malaman ang mga isyung kinahaharap nila.

Raymund Antonio