Nakapagtala na lamang ang Department of Health (DOH) ng 356 bagong kaso ng COVID-19 nitong Martes, Disyembre 7.

Ito ang bagong naitalang pinakamababang kaso mula noong Hulyo 2, 2020 na kung saan nakapagtala lamang ang Pilipinas ng 294 na kaso.

Batay sa case bulletin #633 ng DOH, umaabot na ngayon sa 2,835,345 ang total COVID-19 cases sa bansa.

Sa naturang kabuuang bilang, 0.5% na lamang o 13,026 ang aktibong kaso o nagpapagaling pa mula sa karamdaman.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Sa mga active cases naman, 5,314 ang mild cases, 3,900 ang moderate cases, 2,326 ang severe cases, 899 ang asymptomatic at 587 ang kritikal.

Mayroon din namang 871 mga pasyente pa ang gumaling na rin mula sa sakit, kaya’t sa kabuuan, nasa 2,772,728 na ang total COVID-19 recoveries sa bansa o 97.8% ng total cases.

Nakapagtala pa rin naman ang DOH ng 92 pang pasyente na namatay sa sakit.

Sa kabuuan, nasa 49,591 na ang COVID-19 deaths sa bansa o 1.75% ng total cases.

Mary Ann Santiago & Analou de Vera