Hinimok ng Department of Interior and Local Government (DILG) nitong Lunes, Dis. 6, ang local government units (LGUs) na maglatag ng mga alituntunin para sa mga mangangaroling sa mga lugar na nasa alert level 2 ngayong panahon ng Pasko.

Idiniin ni DILG Undersecretary for barangay operations Martin Diño sa ulat ng GMA News, ang pangangailangan ng mga LGU na magtakda ng mga parameter para sa kaligtasan ng mga mangangaroling sa gitna pa rin ng COVID-19 pandemic.

Bukod sa pagsunod sa minimum health standards, binanggit ni Diño na ang mga menor de edad na 11 taong gulang pababa ay pinagbabawalan pa ring makiisa sa caraling dahil hindi pa sila nababakunahan laban sa COVID-19.

“Depende na rin sa mga protocol na ibibigay ng ating mga LGU. Kung anong ibibigay ng mga mayor, tapos sa barangay din. Palagay ko, dapat din sila makipag-coordinate sa barangay para ma-secure natin ‘yong health protocols,” sabi ni Diño.

Eleksyon

Abalos, nanawagan ng sapat na pondo para sa kaguruang magbabantay sa eleksyon

Pinag-uusapan ngayon ng mga alkade ng National Capital Region (NCR) ang paglatag ng pare-parehong polisiya at alituntunin na ipatutupad para sa mga mangangaroling.

Matapos ipagbawal noong nakaraang taon, papayagan na ang tradisyunal na Christmas caroling sa mga lugar na nasa ilalim ng alert level 2 partikular na kundisyon dahil ang bilang ng mga bagong kaso ng COVID-19 ay patuloy na bumababa.

Noong Nob. 10, sinabi ni DILG Undersecretary Jonathan Malaya na ang mga indibidwal ay dapat mabakunahan laban sa COVID-19 bago magsagawa ng caroling sa loob ng mga establisyimento kung saan angkop ang bilang sa kapasidad ng lugar.

“Under alert 2, caroling is allowed provided that (minimum public health standard) is strictly followed and subject to the operational capacity of the venue of the caroling: 50 percent and vaccinated individuals only if indoor, and 70 percent if outdoor,” sabi ni Malaya.

Chito Chavez