Hindi pa rin umano nakapapasok sa bansa ang Omicron variant ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Ayon sa Department of Health (DOH), wala pa silang naitatalang kaso ng Omicron variant sa bansa, base sa resulta ng pinakahuling genome sequencing na kanilang isinagawa.
Sa halip, nakapagtala pa ang DOH ng karagdagang 571 kaso ng Delta variant ng COVID-19, kaya sa ngayon ang kabuuang bilang ng mga kaso nito sa bansa ay nasa 7,848 na.
Paliwanag ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire na mula sa 629 samples na isinailalim nila sa pinakahuling genome sequencing, ay nakapagtala rin sila ng isang pasyente na positibo sa Beta variant at isang positibo sa Alpha variant.
Sa ngayon ang bansa ay nakapagtala na ng kabuuang 3,630 Beta variant cases at 3,168 Alpha variant cases.
“Out of all of those samples tested in this latest whole-genome sequencing run, wala pong na-detect na Omicron variant. Most of the detections were that of the Delta variant,” ayon pa kay Vergeire, sa isang media briefing.
Base sa datos ng DOH, ang Delta variant pa rin ang nananatiling ‘most common lineage’ sa bansa sa mga na-sequence na samples na nasa 40.54%, kasunod ang Beta na nasa 18.75%, at Alpha na nasa 16.36%.
Mary Ann Santiago