Maaari umanong taasan ng pamahalaan ang kanilang COVID-19 immunity target mula 70% hanggang 100% ng populasyon ng bansa upang maiwasan ang community transmission dahil na rin sa patuloy na pagsulpot ng mga COVID-19 variants.

Ayon kay Department of Health (DOH) Undersecretary Leopoldo Vega, ang 70% herd immunity target ay maaari lamang magprotekta sa mga tao mula sa severe infection ng orihinal na virus strain o SARS-CoV-2.

“Yung 70% yun yung sa original strain ng virus natin yung SARS-CoV-2. Ngayon nagkakaroon ng maraming variant, kailangan taasan ang herd immunity. In fact, target natin 90% or kung puwede 100%,” pahayag pa ni Vega, sa panayam sa radyo.

Base sa tala ang National COVID-19 Vaccination Dashboard, umaabot na sa mahigit 37 milyong katao ang fully-vaccinated na laban sa COVID-19 hanggang nitong Disyembre 4.

Probinsya

Mastermind sa pagpatay sa mag-asawang online seller, kumpare raw ng mga biktima

Bunsod naman ng banta ng Omicron variant sa bansa, hinikayat muli ni Vega ang publiko na magpabakuna na.

Paliwanag niya, ang mga bakuna ay epektibo laban sa malalang impeksiyon ng COVID-19, kahit ano pa mang variant nito.

“Ito ang isang pamamaraan na maka-stop sa transmission or viral loads ng COVID-19 sa isang tao,” aniya pa, nang matanong hinggil sa plano ng pamahalaan upang mapigilan ang posibleng pagkalat ng Omicron variant.

Ang naturang bagong variant ng COVID-19 ay itinuturing na variant of concern ng World Health Organization (WHO).

Una itong natukoy sa South Africa at ngayon ay naitala na rin sa ilang lugar sa Europa, Estados Unidos at ilang bahagi ng Asya.

Mary Ann Santiago