Umaabot na lamang sa mahigit 15,000 ang aktibong kaso ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa bansa o yaong may potensiyal pang makahawa.

Ito’y matapos na makapagtala na lamang ang Department of Health (DOH) ng 425 bagong kaso ng sakit nitong Martes, Nobyembre 30, na pinakamababang naitalang bagong kaso ngayong taon.

Ayon sa DOH, mas mababa ito kumpara sa 665 COVID-19 cases lamang na naitala noong Lunes ng hapon.

Batay sa case bulletin #626 ng DOH, dahil sa mga naturang bagong kaso ng sakit, umaabot na ngayon sa 2,832,734 ang total COVID-19 cases sa Pilipinas.

Eleksyon

Abalos, nanawagan ng sapat na pondo para sa kaguruang magbabantay sa eleksyon

Sa naturang kabuuang bilang, 0.6% na lamang o 15,800 ang aktibong kaso o nagpapagaling pa mula sa karamdaman.

Sa mga active cases naman, 47.5% ang mild cases, 24.42% ang moderate cases, 16.0% ang severe cases, 6.8% ang kritikal at 5.3% ang asymptomatic o walang nararamdamang sintomas ng sakit.

Mayroon din namang 909 mga pasyente ang gumaling na sa karamdaman, kaya’t sa kabuuan, nasa 2,768,389 na ang total COVID-19 recoveries sa bansa o 97.7% ng total cases.

Ang mas magandang balita, bumaba rin ang bilang ng mga naitalang namatay sa sakit nitong Martes na nasa 44 lamang.

Sa kabuuan, nasa 48,545 na ang COVID-19 deaths sa bansa o 1.71% ng total cases.

Mary Ann Santiago