Sa kabila ng pagkatalo sa probinsya noong 2016, sinabi ni presidential aspirant Vice President Leni Robredo nitong Miyerkules, Nob. 24, na isang “pleasant surprise” na makita ang kanyang mga tagasuportang Bulakenyo na nakapila sa mga kalsada mula sa border ng Bulacan sa Pulilan hanggang Malolos City, kung saan nakatakda siyang bumisita para sa kanyang Vaccine Express initiative.

Ibinahagi ni Robredo na nahuli siya sa dapat niyang susunod na event dahil pinuno ng kanyang mga tagasuporta ang lansangan papunta roon.

“Ako, actually, pleasant surprise. Pleasant surprise kasi alam ko hindi ako nanalo dito noong 2016 so iyong pagpunta namin, talagang iyong balak namin Vaccine Express lang,” ani Robredo sa isang panayam sa midya sa Malolos City.

Nang malaman ng mga tagasuporta ng bise-presidente na nakatakda itong magtungo sa probinsya, hiniling ng mga ito na makadaupang-palad niya.

National

PBBM sa National Teacher's Day: 'I wish you a joyful and productive celebration'

“Akala namin handful lang pero nagulat kami, kaya kami na-late ngayon kasi papunta dito, iyong buong kalsada talaga from the boundary until here punong-puno ng tao. So nakakatuwa siya,” sabi ng presidential aspirant.

Noong 2016, nakakuha lamang si Robredo ng 355,079 boto sa lalawigan habang ang kanyang katunggali na si dating senador Ferdinand “Bongbong’ Marcos Jr. ay nakakuha ng 556,480 na boto.

Sa kanyang pagbisita sa lalawigan, isang stationary caravan ang inorganisa ng kanyang mga tagasuporta sa kabahaan ng Pamilihang Bayan ng Pulilan at ng San Isidro Labrador Parish Church.

Dumalo rin si Robredo sa Pulilan’s Volunteer’s Day Assembly na naganap sa central gym ng Pulilan Central School sa Pulilan, Bulacan “to honor Pulilan’s volunteer workers who provide services ranging from census gathering to maintaining peace and order, to different sectors such as senior citizens, PWDs, farmers, and fisherfolks.”

Nakipag-usap si Robredo sa mga kalahok sa assembly tungkol sa mga panukalang batas na kanyang itinulak noong panahon niya sa 16th Congress bilang kinatawan ng Camarines Sur, kabilang dito ang pasahod at benepisyp sa mga barangay volunteer, at capacity-building para sa mga opisyal at manggagawa ng barangay.

Nagpasalamat din ang Bise Presidente sa mga medical frontliners sa kanilang sakripisyo sa panahon ng pandemya.

Pagkatapos ng pagpupulong, binisita ni Robredo ang inisyatiba ng kaniyang opisina, ang Vaccine Express, sa Robinson’s Place Malolos kasama sina Bulacan Governor Daniel Fernando at Malolos City Mayor Gilbert Gatchalian.

Dito nakipagpulong ang aspiring president sa mga partner at volunteer ng Vaccine Express, gayundin sa grupong Doctors for Robredo o “Robredocs.”

Nakatakda rin siyang dumalo sa Peopl’s Council Event sa Barasoain Church Convent. Inasahang hihintayin ng mga tagasuporta si Robredo pagkatapos ng event.

Raymund Antonio