Tiniyak ng Philippine National Police (PNP) sa publiko na magpapatuloy ang imbestigasyon sa umano’y pang-aabuso sa karapatang pantao at extrajudicial killings sa pagsasagawa ng drug war sa kabila ng desisyon ng International Criminal Court (ICC) na ipagpaliban ang imbestigasyon nito.

Sinabi ni PNP spokesperson Col. Rhoderick Alba na ang pagsasagawa ng imbestigasyon ay patuloy na ginagawa ng Department of Justice (DOJ) na nagsimula noong Mayo nang buksan ng pamunuan ng PNP ang mga dokumento ng drug war sa departamento.

Sa kasalukuyan, may kabuuang 52 kaso na kinasasangkutan ng 154 na pulis ang nasa ilalim ng case build-up ng joint PNP-National Bureau of Investigation (NBI) Investigating Panel.

“It might have halted at the ICC, but the investigation continues here through the Department of Justice (DOJ). The PNP gives its full trust to DOJ’s handling of the drug cases,”sabi ni Alba.

Lacson, tila nagpatutsada sa ilang nag-file ng COC: 'The following are not disqualified...'

Mahigit 6,000 hinihinalang drug personalities ang namatay sa mga operasyon ng pulisya mula nang ilunsad ni Pangulong Duterte ang drug war noong Hulyo 2016. Libu-libo pa ang namatay sa kamay ng mga drug war-inspired vigilante group.

Inakusahan ng ilang pamilya ng mga biktima ang PNP na sadyang pumatay sa kanilang mga kamag-anak at kinuwestyion ang karumal-dumal na naratibong "nanlaban" ng pulisya habang binanggit ang kaso ni Kian delos Santos na unang iniulat na nakipagbarilan sa pulisya ngunit lumabas sa imbestigasyon na pinatay pala sa Caloocan City.

Pinaalalahanan din ni Alba ang ilang kritiko na umaatake sa PNP na ang ICC ang nagsuspinde sa probe na nagbigay ng deferral request ng gobyerno ng Pilipinas.

Aaron Recuenco