Target ng Pasig City government na masimulan na ang pagdaraos ng dry run ng limitadong face-to-face classes sa lungsod sa Disyembre 6.
Nilinaw ni Pasig City Mayor Vico Sotto, apat na paaralan ang posibleng makalahok sa naturang aktibidad sa susunod na buwan.
Kabilang aniya sa mga paaralan na sumasailalim sa balidasyon para makalahok sa dry run ang Pasig Elementary School, Nagpayong Elementary School, F. Legaspi High School at Pasig Ugong National High School.
Ikinatuwa rin ito ng alkalde dahil matapos ang halos dalawang taon ay makababalik na sa paaralan ang ilang mga estudyante sa lungsod.
Pinasalamatan din ng alkalde ang mga magulang na nagbigay ng pahintulot na palahukin ang kanilang mga anak sa dry run.
Una nang sinimulan ng Department of Education (DepEd) ang pilot implementation ng limitadong face-to-face classes sa may 100 public schools sa bansa noong Nobyembre 15 habang Nobyembre 22 naman nang magsimula ang klase sa may 18 private schools.
Mary Ann Santiago