Umaabot na lamang sa mahigit 19,000 ang aktibong kaso ng COVID-19 sa bansa.

Ito ay matapos na makapagtala na lamang ang Department of Health (DOH) ng 984 bagong kaso ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa bansa nitong Lunes ng hapon, Nobyembre 22, na mas mababa kumpara sa 2,227 na naitala nitong Linggo, Nobyembre 21.

Batay sa case bulletin #618, nabatid na dahil sa mga bagong kaso ng sakit, umaabot na sa 2,826,853 ang total COVID-19 cases sa Pilipinas.

Sa naturang kabuuang bilang, 0.7% na lamang o 19,798 ang aktibong kaso o nagpapagaling pa mula sa karamdaman.

Sa mga active cases naman, 56.6% ang mild cases, 20.02% ang moderate cases, 13.3% ang severe cases, 5.6% ang critical cases at 4.6% ang asymptomatic o walang nararamdamang sintomas ng sakit.

Probinsya

Pagtatayo ng 'foreign military facilities,’ 'di welcome sa Davao City

Mayroon din namang 2,229 mga pasyente ang gumaling na sa karamdaman, kaya’t sa kabuuan, nasa 2,759,767 na ang total COVID-19 recoveries sa bansa o 97.6% ng total cases.

Mayroon pa rin namang 218 pasyente na namatay dulot ng COVID-19.

Sa kabuuan, nasa 47,288 na ang COVID-19 deaths sa bansa o 1.67% ng total cases.

Mary Ann Santiago