Nagtungo si presidential aspirant Vice President Leni Robredo sa Cebu City nitong Nobyembre 12 upang i-turn over ang sustainable livelihood subsidies sa 65 benepisyaryo mula sa iba't ibang society organizations, sa isang event na naganap sa Pagtambayayong Foundation, sa naturang lungsod.

Ayon sa panayam ng media kay VP Leni, nagpapasalamat siya sa mga ordinaryong mamamayan, na nagboboluntaryo upang muling ikampanya siya, lalo na sa mga Cebuano. Napatunayan na niya ito noong 2016 vice presidential race, nang matalo niya si dating Senador Ferdinand 'Bongbong' Marcos, Jr., na ngayon ay muli niyang makatutunggali---sa presidential race naman.

"Ayoko kasing gamitin yung word na aasahan. Kasi pag aasahan, parang entitled ako. Para naman sa akin, kailangan kong pagtrabahuhan. Kailangan kong pagtrabahuhan, pero ang sukatan kasi iyong nakikita ko ngayon, mas grabe ngayon, saad ni VP Leni sa isang radio interview.

Aniya, mas espesyal na umano ang pangangampanya dahil nagkukusa na ang mga tao na gawin ito, o tinatawag a 'passionate volunteerism'.

National

Clothing store, nag-sorry sa customer na pinaalis dahil sa stroller ng anak na PWD

"Marami kaming nadaanan na mga billboards all over Cebu pero hindi naman kami naglagay. Tapos kagabi na-meet ko iyong mga volunteers na naglagay ng billboards. Tapos kung nakita natin, ang daming mga ribbons, ang daming mga tarpaulins, iyong mga tao naka-uniform, iyong mga t-shirts depende kung anong grupo. Lahat, sa kanila iyon," aniya.

"Hindi iyon traditionally kasi parang nanggagaling sa kandidato. Ngayon talagang lahat talaga ordinaryong tao."

Noong 2016, nagmula sa Cebu City ang malaking boto para kay VP Leni sa pagka-pangalawang pangulo.