Ang TikTok ay isa sa pinakamalaking social media platforms sa Pilipinas na ginagamit upang makapagbahagi ng iba't ibang kwento saan mang panig ng mundo.

Isa na sa TikTok personality na nagbahagi ng kanyang kwento ay si Coleen de Sagun, 38, mula sa San Nicolas, Batangas. May-ari ng isang maliit na negosyo.

Sa kanyang TikTok account, ikwinento nito ang kanyang 'extra-ordinary' story — ang kanyang pakikipaglaban sa sakit na Arteriovenous Malformation, isang rare at congenital na sakit.

Sa isang ekslusibong pakikipanayam, sinabi ni Sagun na ayon sa doktor, inborn ang kanyang sakit. Pero sa kaso niya, mag-17 taong gulang na siya nang unti-unting lumitaw ang epekto ng sakit sa kanyang mukha.

Human-Interest

75-anyos marathon runner na may suot na gula-gulanit na sapatos, kinaantigan

Aniya, "… turning 17 ako noon, may nasasalat akong maliit na bukol na kasing laki lang ng monggo seed. Akala ko pimple lang, so hinayaan ko. Habang natagal lumalapad sya at umuumbok. After ng mga ilan check up at test I was diagnosed with a rare disease called AVM (Arteriovenous Malformation)."

Larawan: Coleen de Sagun

In-denial siya noong una niya itong nalaman. At dumating sa punto na iniisip na niya kung mamamatay ba siya sa ganitong uri ng sakit.

Pakiramdam ni Sagun, unti-unti nang gumuguho ang kanyang mga pangarap sa buhay.

At dahil sa sakit niyang iyon, napilitang huminto sa pag-aaral si Sagun.

"Parang nag-360 ang ikot ng buhay ko. Tumigil ako ng pag-aaral dahil sa depression. Nagkulong lang ako sa bahay nang mahabang panahon. Ayaw ko magpakita sa mga tao. Nasasaktan ako kapag nakikita mga reaksyon nila kapag nakikita ako," pagbabahagi ni Sagun.

At dahil sa kakulangan ng kaalaman ng iba, ginagawa nilang katatawanan ang sitwasyon ni Sagun.

Larawan: Coleen de Sagun

Simula noon, patuloy na lamang na umiiwas si Sagun sa ibang tao partikular na sa mga nanglalait sa kanya. Aniya, wala namang mangyayari kung papatol siya sa mga masasamang sinasabi ng iba sa kanya.

At dahil rare, maselan, at komplikado ang sakit ni Sagun, magastos ang pagpapa-ospital.

Dumadaan siya sa CT scan. Dagdag pa rito, magkakaroon sana siya ng 2-time angiogram ngunit hindi na niya ito itinuloy dahil sa posibleng pagkabulag at pagka-coma kung sakaling maling ugat ang mabarahan.

Sa loob ng 28 na araw, dumaan din sa radiation therapy si Sagun upang mabawasan ang paglaki ng AVM niya.

Aniya, wala siyang iniinom na gamot at lagpas 10 taon na siyang hindi nakakapag-check up.

Ngayon, ginagamit niya ang TikTok upang magbahagi ng kwento at magturo ng kaalaman tungkol sa kanyang sakit.

Larawan: Coleen de Sagun

Kaya mensahe niya sa mga taong may masasamang sinasabi sa kanya, "Sana maging sensitive sila at careful sa mga words nila towards people, may sakit o wala, but especially sa taong tulad ko na may facial deformity. Hindi po madaling humarap sa mundo ng may ganitong sakit."

Nag-iwan rin siya ng mensahe sa kapwa niyang nakararanas ng sakit na AVM.

Aniya, "Love yourself , respect yourself… Kapag nakikita ng tao kung gaano mo nirerespeto ang sarili mo. Ganun ka din nila rerespetuhin at dun ka nila mamahalin. Huwag agad susuko sa hamon ng buhay. Palaging ipagpasa-Diyos lahat at magdasal."