Nasa 10% hanggang 15% na lamang ng mga Pinoy ang nagdadalawang-isip pa rin magpabakuna laban sa COVID-19.
Ayon kay Health Undersecretary Leopoldo Vega, ito ay pagbaba mula sa 35% na vaccine hesitancy na naitala noong mga unang buwan ng pagdaraos ng national vaccination.
Sinabi ni Vega, karamihan sa mga Pinoy na tumatanggi pa ring magpabakuna ay dahil sa kanilang personal na paniniwala na makasasama ito sa kanila.
Sa kabila ito ng una nang pagtiyak ng Department of Health (DOH) sa publiko na lahat ng government-approved COVID-19 vaccines ay ligtas at epektibo.
"Yung umpisa ng pagbakuna natin, mataas talaga 'yung vaccine hesitancy natin. Nasa mga 35% iyon. Pero sa karamihan sa mga vaccine hesitant, tinitingnan muna nila kung safe ba talaga o kung effective ba ito," ayon pa kay Vega, sa isang panayam sa radyo at telebisyon nitong Linggo.
"But actually nag-improve na ito through the months. Noong nagbakuna na tayo, kumokonti na 'yung 35% na 'yan. Umaabot na nasa 10% to 15% na lamang 'yung talagang hindi magpabakuna," dagdag pa ng opisyal.
Sa ngayon aniya ay target nilang ma-fully vaccinate ang 65% hanggang 70% ng populasyon ng bansa sa pagtatapos ng taon.
Pagsapit naman aniya ng susunod na taon ay nais nilang mabakunahan ang 80 porsyento ng populasyon.
Mary Ann Santiago